KASUNOD ng panawagan mula sa malalaking grupo ng mga mangangalakal at negosyante na katarungan para sa dinukot at pinatay na steel magnate na si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabillo, tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila tutulugan ANG naturang kaso upang madakip ang mga salarin sa krimen.
Ayon sa pamunuan ng pambansang pulisya, mismong si PNP chief Lieutenant General Rommel Francisco Marbil ang siyang nakatutok sa imbestigasyon hinggil sa pagdukot at pagpatay kay Que at ang kanyang driver.
Ipinarating ng PNP sa buong Filipino-Chinese community na hindi patatagalin ang imbestigasyon sa naturang krimen at ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo, bahagi ng hakbang ng PNP ay ang pagpapalakas ng mga intelligence-driven operation upang matukoy at matunton ang kinaroroonan ng grupong posibleng nasa likod ng pagdukot.
Nabatid na bukod sa kidnap-for-ransom angle ay may iba pang motibong tinututukan ang mga awtoridad, kabilang na ang anggulong may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operation o POGO.
Kaugnay nito, hinimok din ng PNP ang Filipino-Chinese community na makipagtulungan sa imbestigasyon. Noong isang linggo ay nakipagpulong si Gen Marbil sa mga lider ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) upang talakayin ang sunud-sunod na kaso ng kidnapping at pagpatay sa ilang Chinese national sa bansa.
Nagkasundo rin ang PNP at FFCCCII na bumuo ng mas matibay na ugnayan sa seguridad, tulad ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga negosyo at mas malawak ding surveillance operation upang makapagbigay ng safety briefing sa mga miyembro ng Chinese community.
Magugunitang nagbabala ang mga mangangalakal sa matinding epekto sa mga mamumuhunan o investor maging sa turismo na pinangangambahang malulugmok, bukod sa epekto sa mga pamilya na natutulog na may takot at pangamba sa gabi.
Kaya pabor din umano sila sa pagbabalik ng death penalty sa mga heinous crime gaya ng kidnap for ransom.
(JESSE KABEL RUIZ)
