SA kabila na maraming tumututol sa No Contact Apprehension Program (NCAP) ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon, sinimulan na itong ipatupad kahapon.
Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte at kinatawan ng local government, ang pag-anunsyo ng implementasyon ng NCAP sa siyudad.
Layunin ng programa ang pagpapabuti ng ‘road safety, alleviate traffic congestion, and instill traffic discipline among motorists traversing the city’.
Sa NCAP ay gagamit ng state-of-the-art cameras na may artificial intelligence technology para makakuha ng litrato, at mai-record ang conduction stickers at plate numbers ng mga sasakyan na may paglabag sa traffic rules and regulations.
Kung ang nasabing cameras ay makade-detect ng traffic violation, ang system ay makabubuo ng Notice of Violation o NOV na ipadadala sa local government unit para sa review and approval.
Sa sandaling aprubahan ang NOV, ipadadala ito sa bahay ng registered owner ng sasakyan sa loob ng 14-araw at bibigyan sila ng 30-araw para bayaran ang kanilang multa.
Nakalagay rin sa NOV ang isang photograph na may timestamp ng sasakyan sa lugar kung saan nangyari ang paglabag sa batas trapiko, kasama ng kaukulang detalye na may kinalaman sa nilabag nito.
Ang inisyal na implementasyon ng lokal na pamahalaan ng NCAP na magkakaroon muna ng 30-day dry-run, ay nagsimula kahapon Oktubre 11 at ang lalabag papatawan ng kaukulang multa.
Ang multa ay magsisimula sa P2,000 para sa unang paglabag; P3,000- P4,000 para ikalawang paglabag; at P5,000 para sa ikatlong paglabag depende sa klase ng bayolasyon.
Naunang binatikos ni AnaKalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa isinagawang press conference sa Kamuning Bakery sa Quezon City kamakailan, ang NCAP dahil sobrang mahal ang multa nito.
Aniya, ang ganitong klaseng multa ay hindi napapanahon dahil dumaranas ngayon ng kahirapan ang taumbayan dahil sa COVID-19 pandemic. (JOEL O. AMONGO)
197 