RIZAL – Umabot sa mahigit P2 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska at 180 katao ang nadakip sa pitong araw na pagpapatupad ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa 14 na bayan sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni PNP Provincial Director P/Col. Dominic Baccay kay PRO4A-Calabarzon Regional Director Antonio Yarra, nakumpiska ng Rizal PNP ang 365.41 gramo ng ilegal na droga at 14.1 gramo ng marijuana na may kabuuang halagang P2,492,802 sa isinagawang 81 operasyon.
Sa pitong araw na SACLEO operation na isinagawa ng mga awtoridad, 180 katao ang nasakote sa pinaigting criminality campaign operation mula Hunyo 13 hanggang 19, 2022.
Nabatid na sa nasabing mga operasyon ay nadakip ang 111 personalidad na sangkot sa ilegal na droga, at 63 wanted persons, kabilang ang 17 most wanted persons at 46 other wanted persons.
Habang anim katao at anim na armas ang nakumpiska sa apat na operasyon sa kampanya kontra loose firearms. (ENOCK ECHAGUE)
