(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MISTULANG kapit-tuko sa pwesto bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng anunsyo nitong hindi niya bibitiwan ang ahensya.
Ito ay sa kabila ng mga bumabalot ng kontrobersya sa ahensya tulad ng hindi masupil na smuggling at anomalya.
Sa ambush interview sa Pangulo sa Malanday, Valenzuela, sinabi nito na pagtiyagaan na muna siya sa ahensya hangga’t hindi pa naayos nang mabuti ang sistema.
Ilalagay muna umano niya sa tamang lugar ang “structural changes” sa DA bago siya bumaba bilang kalihim. Ito’y upang matiyak ang food security sa bansa.
Sinabi ni Marcos na simula nang maupo siya bilang Kalihim ng DA, nakagawa at nakapaglagay na siya ng ilang substantial changes para tugunan ang mga isyu sa sektor ng agrikultura.
“You know, the truth of the matter is…we have really managed to make some very important structural changes in the Department of Agriculture. So iniisa-isa natin ‘yan. The problem had been during the beginning of this year ay naging crisis lahat ng food supply, food prices, lahat fertilizer prices, et cetera. Kaya napakalaking bagay nitong donation na binigay sa atin ng China,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ayon sa Chief Executive, iniisip na niya ang agriculture department na magkaroon ng episyente o mabisang sistema para masiguro ang food security bago bumaba sa puwesto bilang Kalihim ng departamento.
“Kaya’t ang aking hangarin para sa DA ay pag iniwanan ko ang DA by that time, we will have systems in place so that we can guarantee the food supply of the Philippines, number 1; we can guarantee that the prices are affordable; and, number 3, that our farmers make a good living,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“Hangga’t matapos natin ‘yun, I suppose you will just have to put up with me as DA Secretary,”dagdag na wika nito. Matatandaang naging mainit na usapin ang smuggling mula nang magsimula ang termino ni Marcos Jr.
Katunayan, inakusahan pa ni Senador Risa Hontiveros na ginawang legal ng Malakanyang ang smuggling ng asukal nang sabihin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi kinakailangan ng sugar order bago ang importasyon nito.
Nangyari ito sa gitna ng pagkwestyon ng senadora sa pagdating sa bansa ng 440,000 metric tons ng imported sugar noong Pebrero kahit hindi pa nailalabas ang Sugar Order No. 6.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Bersamin na ‘legally covered’ ng presidential directive ang importasyon at hindi lamang ng sugar order.
Mistula ring nilaglag ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban si Marcos Jr. nang sabihin na may basbas nito ang importasyon ng asukal sa ‘selected importers’.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa sinasabing iregularidad sa importasyon ng asukal nitong Pebrero, sinabi ni Panganiban na ipinag-utos ng Pangulo batay sa rekomendasyon ng National Economic Development Authority ang importasyon bunsod ng tumataas na inflation rate.
Nangyari anya ito matapos ang meeting ng Pangulo sa binuong Inter-Agency Group na nagbabantay sa galaw ng suplay at presyo ng pagkain at mga sugar importer.
Nanindigan naman si Bersamin na walang iregularidad sa di umano’y illegal entry ng sugar shipments sa bansa bago pa ipinalabas ang Sugar Order No. 6.
