Sa laban kontra pagkalat ng COVID-19 FDA, DOMINGO KALABAN NG PILIPINO?

(BERNARD TAGUINOD)

IMBES na maging kakampi sa giyera kontra coronavirus diseases 2019, mistulang kalaban pa ng mga Pilipino ang Food and Drug Administration (FDA) sa pangunguna ng director general nito na si Eric Domingo.

Ganito ang lumalabas matapos bitin-bitinin ng FDA ang application ni Dr. Allan Landrito para mag-distribute ng Ivermectin sa mga pasyente na tinamaan ng COVID-19 na bukod sa mura ay mabisa umano sa nasabing virus.

“Ang red tape sa FDA ay ganito. Nag-apply ako dyan February 11, after 20 working days they send me note. Malabo daw lahat ng pinadala ko na requirement. Hindi puwedeng maging malabo, scanned copy, those are scanned copy..PDF ang requirement,” ani Landrito sa pagdinig ng Kamara noong Huwebes.

“And then they tell me, padala kayo ulit ng requirement kasi, napakalabo ng ipinadala nyo. C’mon that is red taped. They are trying to delay the whole thing no,” dagdag pa ng doktor.

Pinanindigan ni Landrito na kapag pinayagan ang paggamit sa nasabing gamot para sa COVID-19 ay mababawasan ng 90% ang infection sa loob lamang ng dalawang buwan.

Kaya rin aniyang mawala nang tuluyan ang COVID-19 pandemic sa loob ng apat na buwan kapag nabigyan lahat ng mga Pilipino ng Ivermectin subalit dahil sa red tape sa FDA ay malabong mangyari ito.

“People are dying everyday, people are getting infected every moment so we cannot afford to waste time. If you will not be able to do it, I don’t know kung anong malasakit mo sa mga tao, sa mga pasyente na namamatay sa COVID-19,” ayon pa kay Landrito.

Nitong mga nagdaang araw ay hindi bumababa sa 11,000 ang nagpopositibo sa COVID-19 kung saan noong Abril 2, ay umabot sa 15,310 ang naitalang bagong kaso.

 

PROTEKTOR?

Duda naman si Deputy Speaker Rodante Marcoleta na tila pinoprotektahan ng mga health official ang malalaking pharmaceutical companies sa inaasta ng mga ito sa Ivermectin bilang potential drug laban sa COVID-19.

“I am deeply disturbed by the indifference displayed by health officials in regard with potential drugs called Ivermectin,” ani Marcoleta sa isang online press conference kasama sina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Deputy Speaker Bernadette Herrera.

Hindi maintindihan ng mambabatas kung bakit ayaw bigyan ng FDA at Department of Health (DOH) ng pagkakataon ang Ivermectin na magamit sa Pilipinas gayung ginagamit na ito sa ibang bansa kaya unti-unti na silang nakakawala sa pandemya.

“I’d like to say that health officials should not act the way did yesterday. Acting like Praetorian guards for the benefit of the biggest pharmaceutical in the world,” banggit pa ni Marcoleta matapos ang pagdinig sa Kamara noong isang linggo.

Ang Praetorial guard ay ang grupo ng mga sundalo na nagpoprotekta sa mga Roman Emperor noong unang panahon.

Ayon naman kay Defensor, hindi nito maintindihan kung bakit hindi binibigyan ng FDA ng pagkakataon ang Ivermectin tulad ng ibinigay nila sa Remdisivir na inisyuhan ng Compassionate Special Permit (CSP).

Sinabi ng mambabatas na kung dadaan sa mahabang proseso ang pagrerehistro sa Ivermectin ay bibilang pa ang mga Pilipino ng hanggang pitong buwan bago ito magamit.

“All this can be avoided if DOH wants it. Kasi nga po, sinasabi ko nga ‘yung nangyari sa Remdisivir, under compassionate permit, pinalusot nila,” paliwanag pa ni Defensor.

Ang Remdisivir ay nagkakahalaga umano ng P28,000 bawat vial at isa sa mga nagpapahirap sa pamilya ng COVID-19 patients kumpara sa Ivermectin na P35 lang ang bawat tableta at gagastos lang ng P105 sa tatlong tableta na kailangan ng bawat pasyente.

 

AKSYON
SA SENADO

Kaugnay nito, maghahain ng resolusyon si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na naglalayong himukin ang FDA na agarang siyasatin at tugunan ang aplikasyon para sa pag-manufacture ng gamot na Ivermectin.

Ayon sa senador, marami siyang nakakausap na doktor at maging mga pasyente na nagpapatotoo sa pagiging epektibo ng naturang gamot para mapabilis ang paggaling ng isang nahawa sa COVID-19, bukod pa sa hatid nitong proteksiyon na huwag mahawa sa naturang virus.

Sa pamamagitan umano ng pagsusuri na isasagawa ng FDA ay matitiyak ang “efficacy” ng Ivermectin at kung ano ang tamang paraan para sa kaligtasan ng paggamit nito.

“Hindi lamang mandato ng FDA, kundi obligasyon nito, na tingnan ang iba’t ibang maaaring tugon at lunas sa kasalukuyang pandemya. Kung totoo na may potensiyal makatulong ang Ivermectin laban sa COVID-19, tama lamang na tingnan ito nang mabuti,” ani Revilla.

Idinagdag pa ng senador na bagama’t hindi ito eksperto sa larangan ng medisina, tungkulin ng lahat na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa, kasama na rito ang paghanap ng mga alternatibong solusyon sa mga suliranin.

Hindi umano tama na hindi pa man napag-aaralan ang posibleng potensiyal ng Ivermectin ay sinasarhan na agad ito ng pinto. (May dagdag na ulat si NOEL ABUEL)

228

Related posts

Leave a Comment