MULING ibinida ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na na-break ng lungsod ang kanilang record sa pinakamaraming nabakunahan sa loob ng isang araw matapos iulat na 25,688 katao ang nabakunahan noong Hunyo 14 nang buksang muli ang mass vaccination sa 22 vaccination sites sa Maynila.
Ayon sa alkalde, marami pang mga tao ang pinauwi dahil hindi umabot sa cut-off ng pagbabakuna.
Humingi naman ng paumanhin si Moreno sa mga hindi napasama sa cut-off dahil gustuhin man niyang mabakunahan ang lahat ay hindi maaari dahil sa limitadong supply ng COVID-19 vaccines.
Pinasalamatan naman nito sina Pangulong Rodrigo Duterte at vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa ibinigay na allotment ng bakuna sa lungsod.
Nabatid na 11,004 vaccines ang ibinigay para sa first dose habang 14,664 para sa 2nd dose.
May kabuuang 10,165 na nasa A4 category, o economic workers, ang tumanggap ng kanilang 1st dose.
Nabatid na nagsisimula ang pagbabakuna alas-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi. (RENE CRISOSTOMO)
144 