Sa makadidisgrasyang commercial vehicles P6.7-M INSURANCE CLAIMS ITINULAK SA KAMARA

MAKATATANGGAP ng mahigit anim na milyong piso ang pamilya ng mga maaaksidente ng commercial vehicles kapag naipasa ang isang panukalang batas sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Mula sa kasalukuyang P100,000, nais ni Agri party-list Rep. Wilbert Lee na gawing P6.7 million ang makokolektang indemnity claims ng pamilya ng mga biktima ng aksidente sa Compulsory Third Party Liability Insurance (CTPLI).

Ginawa ng mambabatas ang panukala bago ang freak accident noong Miyerkoles sa EDSA kung saan isang rider ang napugutan ng ulo at sinundan ng aksidente sa Balaoan, La Union at Quezon kung saan kapwa namatay rin ang mga driver, kinabukasan, Huwebes.

“Ang masakit dito, nawalan ang mga pamilyang ito ng mga mahal sa buhay, tapos malalaman nila na P100,000 lang ang pwede nilang i-claim sa CTPLI at P15,000 sa no fault indemnity,” ayon sa mambabatas.

Sa House Bill (HB) 8498 na inakda ni Lee, nais nitong itaas sa P6.7 million ang babayaran ng CTPLI sa mga biktima na namatay o labis na nasugatan kapag nadisgrasya ang commercial vehicles.

“Kung breadwinner ang namatay sa aksidente, hindi po kayang tustusan ng mga halagang ito ang pangangailangan ng pamilyang naulila,” dagdag pa ng mambabatas.

Kapag hindi kasalanan ng tsuper ng sasakyan ang aksidente ay kailangang magbayad ang CTPLI ng P15,000 hanggang P2 million depende sa bigat na nadisgrasya o nakadisgrasyang commercial vehicles.

Nais din nito na hindi lamang pasahero ang sakupin ng CTPLI kundi ang iba pang madadamay sa aksidente o ang mga tinatawag na pedestrians.

“Katulad na lamang po nitong fuel tanker na nakasagasa at nakapugot ng ulo ng motorcycle rider. Kaya po ang increase na ating ipinapanukala ay dedepende sa bigat at klase ng serbisyong ibinibigay ng commercial motor vehicle,” paliwanag pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

147

Related posts

Leave a Comment