PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
O, ano na, mga troll ni Mayora Honey Lacuna, nakahihiya, nakaiiyak ang pagiging kulelat ng inyong manok.
Sayang ang libo-libong pisong PR money sa inyo — na kinukubra n’yo sa kabang-yaman ng Manila City Hall.
E, ako nga e naiiyak, mantakin n’yo naman, si Mayora Lacuna ang nasa timon, kumbaga ay bida sana (?) sa darating na eleksyon sa Mayo 12, kasi incumbent siya, kumbaga, may built-in advantage na siya laban kay comebacking Francisco ‘Yorme Isko Moreno’ Domagoso.
Pero, nanang ko po, nakadidismaya ang resulta ng lahat ng nakaraang survey noong 2024, at itong latest survey ng PhilData Trends, sino ang makaiisip na kulelat si Mayora Honey!
Katawa-tawa na si Mayora, at mas mabuti pa ang bagitong si Sam Verzosa, nakakubra pa ng mataas na voting reference kaysa Reyna ng City Hall.
Kung ngayon ang eleksiyon, kakain ng lahar si Mayora Lacuna na matatabunan ng daan-daan libong boto ni Yorme Isko at ayon sa analisis ng political observers, ‘di na mapipigilan ng kahit ano pang mahika at papuring ikakalat ng trolls ni Mayora, ang pagbabalik ni Isko Moreno sa Manila City Hall.
Nangingibabaw at matayog ang suporta ng mga tinanong na Manila voters kay Yorme, na kumuha ng 72.1% of voter preference sa survey ng PhilData, Enero 2 hanggang Enero 7, 2025.
E, si Mayora Lacuna, ay naku, nakahihiya talaga, kung sa karera ng kabayo, hikain na ay pilay pa siya at parang hindi pinakakain ng hinete.
Kumabig lang si Honey ng 12.3 %, mas angat pa si Verzosa na nakakayod ng 13.5%, habang mas kulelat ang aktor na si Raymond Bagatsing na nakakahig ng 1.4%.
Senyales na ito, kung sa boxing, ay ihagis na ng handler ni Honey na wala nang “honey”, ang puting tuwalya.
Kasi, tiyak sa Mayo 12, hindi lang bugbog-sarado ang reyna ng City Hall, baka, todong knock out siya!
Sabi ng PhilData, ang 72.1% na nasungkit ni comebacking Yorme Isko ay matingkad na patotoo na sobrang love siya at miss na miss ng Manilenyo.
Eto pa, sa OCTA Research (July 8-10, 2024), 86% ng mga botanteng Manilenyo ang gustong-gusto na maging mayor uli si Isko.
E, si Mayora, nakaiiyak nga, parang natabunan siya ng lahar sa nakubrang 8%.
Iyakan na talaga ito, at kumbaga sa karera, sagasa at luray ang kredibilidad ng unang Lady Mayor ng Maynila.
Sa survey rin ng OCTA, nakita na malaki ang ilalamang ni Yorme Isko sa Manila First District– nagrehistro siya ng 79%, at 77% naman sa Second District.
May nagsabi na mahihirapan si Yorme sa Fifth District pero malaki rin ang agwat, milya-milya ang layo niya sa nakubrang 67% na voting preference.
Sumegunda ang naghihilamos sa alikabok na si Verzosa sa nasungkit na 15%, at nalublob sa putik si Lacuna sa nakuhit na 9.
Malinaw ang pulso ng taumbayang Manilenyo: Ayaw na nila kay Mayora Honey, at gustong-gusto nila na bumalik si Yorme Isko sa Maynila — na ‘pag nanalo, ay naku, ang daming duming lilinisin na ikinakalat na basura ng alipores ni Lacuna — na maipalalagay na may go signal niya.
Nakita rin sa dalawang survey na matalino ang mamamayang botante at tama ang kasabihan, “You may fool the people sometimes but not all the time.”
Opo, hindi tumatalab sa mga botante ang kahit anong pakulo at paninira ng mga troll at ng kampo ni Lacuna.
E, bumabalandra sa kanya ang lahat ng black propaganda, kasi kitang-kita, nararamdaman pa at pinakikinabangan pa ng Manilenyo ang iniwang alamat ng mahirap pantayang accomplishment sa infra, health, education, social services, at iba pa, at sino ang makalilimot sa mabilis na aksiyon na nakita ng madlang Pinoy na ginawa ni Yorme noong COVID- 19 pandemic.
Bantayog iyon, isang matibay na moog ng mahusay na pamamahala na kinasasabikang muling matikman ng residente ng Maynila.
Nakita, nadama nila, ayon sa resulta ng PhilData at OCTA survey, ang ‘di matatawarang triple XXX na hatol sa ‘di mapagkakatiwalaang pamamahala ni Mayora Lacuna sa lungsod.
Matingkad pa sa sikat ng araw, ‘di matutungkab ng anomang paninira ang survey ng PhilData at OCTA at ng ibang pang katulad na survey ng Social Weather Station (SWS) at ng Pulse Asia, ang katatagan ng tiwala ng Manilenyo kay Yorme Isko.
Pwede nang maipayo sa tropa ni Mayora Honey na mabuting ngayon pa lang ay maglikom-likom na sila, magbalot-balot na ng mga gamit kasi, hindi na maaawat pa ang alsa-balutang eksena matapos ang hatol ng Manilenyo sa Mayo 12 midterm elections.
Yorme babalik na. Isko is coming back.
Sigurado na, itatatak na, isusulat na sa balota sa Mayo 12!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
