SA NGALAN NG AYUDA

DUMATING na sa sukdulan ang pamahalaan sa aspeto ng panghihikayat para sa malawakang bakunahan laban sa nakamamatay na karamdaman.

Lahat ng paraan sinusubukan – polisiyang tila maglalagay sa alanganin sa mamamayang diskumpyado sa bisa at kaligtasan ng mga bakuna, maging yaong ayaw sa gawa ng Tsina.

Kung tutuusin, maraming gimik para makumbinsi ang mamamayan na magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19. May mga sangay ng gobyernong nagbibigay insentibo, mayroon din namang ang diskarte ay magpa-premyo.

Pero kakaiba ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang estilong gamit sa kanilang mga benepisyaryo.

Sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), inilahad ang polisiyang “walang bakuna, walang ayuda,” bagay na inalmahan hindi lamang ng mga ­pamilyang nakikinabang sa buwanang tulong ng ­gobyerno kundi maging yaong mga taong sa batas ay eksperto.

Ang totoo, hindi na bago ang polisiya ng DSWD. Bago pa man ang “walang bakuna, walang ayuda” na gimik ng nasabing ahensya, ipinatutupad na rin ng mga pampubliko at pribadong establisimyento ang patakarang “no vaccine, no entry.”

Ang kaibahan nga lang, karapatan ng mga nagmamay-ari ng mga nasabing establisimyentong tiyaking ligtas ang kanilang pasilidad, samantalang wala naman karapatan ang DSWD na ipagkait sa mamamayan ang pondong sadyang sa mga pobreng pamilya ay nakalaan.

Walang dudang bakuna ay kailangan, lalo pa’t para naman ito sa ating kaligtasan. Ang mali ay ang pamamaraan sa hangaring maturukan ang mga pinaglaanan.

Gayunpaman, tila epektibo ang pananakot ng departamento. Katunayan, dumami na umano ang bilang ng pabor na turukan ng bakuna – sa ngalan ng ayuda.

Pero iba naman ang giit ng DSWD. Anila, hindi ang pananakot ang epektibo kundi ang pinagkakagastusang information campaign ng gobyerno kaugnay ng kahalagahan ng pagiging protektado.

Alin nga ba ang totoo? Nakumbinsi nga ba o naobliga dahil sa kagipitan?

223

Related posts

Leave a Comment