(BERNARD TAGUINOD)
SASAMPAHAN ng kaso ngayong araw sa Quezon City Prosecutors’ Office si House Speaker Martin Romualdez at dalawa pang mataas na opisyal ng Kamara kaugnay ng P241 billion insertions umano sa 2025 General Appropriations.
Pangungunahan ni dating House Speaker at ngayo’y Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Romualdez, dating House appropriations committee chairman at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co at House Majority Leader Jose Manuel Dalipe.
Katuwang ni Alvarez sina Attys. Jimmy Bondoc, Ferdinand Topacio, at Citizens Crime Watch president Diego Magpantay sa isasampang kaso dahil hindi umano mangyayari ang insertions kung walang basbas ang mga nabanggit na opisyales ng Kamara.
Hindi pa naglalabas ng kanilang pahayag sina Romualdez, Co at Dalipe subalit pinalagan ng kanilang mga kaalyado ang plano ng grupo ni Alvarez at tinawag nila itong “diversionary tactic’ para takpan ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“Walang basehan ang mga ito, another fantasy at fiction. Obvious na layunin nitong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu – ang impeachment trial ni VP Duterte,” ani Deputy Majority Leader Paolo Ortega.
“Huwag nilang gawing panakip-butas si Speaker Romualdez para takasan ang pananagutan,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon naman kay Zambales Rep. Jay Khonghun, isang desperadong hakbang ang ginagawa nina Alvarez para siraan ang Kongreso matapos makita na overwhelming ang suporta sa impeachment case laban kay Duterte.
“Napaka-timing naman ng mga issue na ito. Nang maipadala na sa Senado ang impeachment complaint, biglang may ganitong aksyon laban kay Speaker Romualdez. Malinaw na diversionary tactic ito,” ani Khonghun.
Itinanggi naman ni Deputy Speaker David Suarez ang alegasyon nina Alvarez subalit hindi na umano sila nagulat sa kanilang plano dahil kilalang mga kaalyado ang mga ito ng mga Duterte.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)