NANGANGAMBA ang isang abogado mula sa Ateneo de Manila University Policy Center na posibleng magdulot ng negatibong epekto sa publiko ang mga pahayag ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon noong isang linggo.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, ito ay dahil posibleng pagdudahan na ng publiko anoman ang maging desisyon ng Comelec sa disqualification case laban kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa kabila nito, hindi naman inaalis ng abogado na maaari ring isipin na pagpapakita ito ng pagiging transparent ng poll body.
“Yung negative, it’s possible na pwedeng mawalan ng kumpiyansa ang publiko kung anuman yung desisyon ng Comelec ‘no? Kasi nag-plant ng seed of doubt na si Commissioner Guanzon di ba?
She voted for disqualification tapos biglang may pumasok na outside influence,” ani Yusingco sa panayam ng RMN Manila.
Kaugnay nito, inalmahan ni Commissioner Aimee Ferolino ang mga pahayag ni Guanzon na ‘hino-hostage’ niya ang desisyon dahil hindi pa ito inilalabas.
Giit ni Ferolino, walang January 17 deadline at si Guanzon lamang ang nagsasabi nito.
Imposible rin aniya na madesisyunan ang kaso sa petsa na iyon dahil tatlong petisyon ito na dapat busisiin.
Inakusahan din ni Ferolino si Guanzon na nais lamang umanong impluwensiyahan ang kanyang boto. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
