IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa lahat ng unit commanders sa National Capital Region (NCR) na mas paigtingin pa ang police visibility sa matataong mga lugar ngayong nakababa na sa Level 3 ang COVID-19 alert sa Metro Manila.
Ito ay matapos na manawagan ang Department of Health na patuloy na magpatupad ng minimum public health safety protocol nang magdagsaan ang mga tao sa simbahan, mall, pasyalan at iba pang mga lugar nitong weekend.
“Based on the order of our SILG (Secretary of the Interior and Local Government) Eduardo Año, I have already directed our unit commanders in the National Capital Region to increase police presence in all possible areas of destination of our kababayan following the downgrading of alert level in Metro Manila,” wika ni P/Gen. Eleazar.
“Nauunawaan namin ang pagkabahala ng ating mga kasamahan sa Department of Health at sa medical community patungkol sa mga report na ipinakita kung saan nagdagsaan ang mga tao sa mga pasyalan, malls at iba pang mga lugar noong nakaraang weekend,” ayon sa heneral.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga opisyal ng DOH at ilang health experts dahil sa anila’y pagiging kampante ng publiko sa kanilang paglabas ng tahanan para kunin ang pagkakataon dahil sa pagluluwag.
Sa ilang pasyalan at simbahan, nakitang hindi na nasunod ang protocols para sa kaligtasan ng lahat sa kabila nang paulit-ulit na panawagan ng mga marshal.
“Kasama sa aking kautusan ang coordination sa ating mga LGU sa Metro Manila upang maayos na maipatupad ang minimum public health safety protocols at ibang pang mga restriction na ipapatupad sa NCR,” ayon kay P/Gen. Eleazar.
“Natutuwa kami sa PNP na kahit paano ay bumabalik na sa normal ang sitwasyon sa ating bansa subalit hindi dapat maging dahilan ito para tayo ay maging kampante at balewalain ang health safety protocols dahil kung hindi, ang panandaliang kaligayahan na ating nararamdaman ngayon ay mauuwi na naman sa matagal na lockdown,” dagdag pa niya. (JESSE KABEL)
176 