MAKATUTULONG ang nationwide resumption ng face-to-face o in-person classes para makabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Kendrick Chua na ang pagbubukas ng lahat ng 60,743 eskuwelahan para sa “in-person learning” ay makapagpapataas ng economic activity ng P12 bilyon kada linggo.
“This was on top of the estimated P16.5 billion to be added to the country’s gross domestic product each week that the entire Philippines is under Alert Level 1,” ayon kay Chua.
Aniya, ang P12 bilyon kada linggo na magsisilbing karagdagang economic output ay manggagaling mula sa pagpapatuloy ng “services around the schools like transport, dorms, food stalls, school materials and so on..”
Inamin ni Chua na ang Philippine economy ay nawalan ng P22 trillion sa dalawang taon na itinigil ang face-to-face learning.
Sa ngayon, mayroon lamang 1,726 eskwelahan o 2.9% ng lahat ng eskuwelahan sa buong bansa ang nagsasagawa ng face-to-face classes.
Handa na rin umano ang 6,213 eskuwelahan na magsagawa ng in-person classes.
Kaugnay nito, ang paglalagay sa Kalakhang Maynila at 38 iba pang lugar sa Alert Level 1 ay inaasahan na makadaragdag ng 9.4 bilyong piso sa buong ekonomiya kada linggo.
Sinabi ni Chua na sa nasabing halaga, P3 bilyon ay karagdagan para sa pasahod.
“The areas downgraded to Alert Level 1 account for 62% of the Philippine economy,” ayon kay Chua sabay sabing ang ginawang pag-shift ng alert level status ay mapakikinabangan ng 20.3 milyong manggagawa o 48% ng labor force sa bansa.
Inaasahan naman na ang national unemployment tally ay bababa ng 170,000 sa susunod na quarter dahil sa pinagaan na restriksyon.
Inaasahan din ng economic team ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na babalik na ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa pre-pandemic level. (CHRISTIAN DALE)
