NAKIUSAP ang Malakanyang sa publiko na hintayin na lang muna ang guidelines na ilalabas ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa pagbabalik ng provincial buses na point-to-point routes bago pa mag-isip na bumiyahe.
“Hintayin lang po natin ang guidelines na ilalabas ng DOTr (Department of Transportation) at LTFRB ukol dito,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nauna rito, inaprubahan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang gabinete ang pagbabalik ng provincial buses na point-to-point routes.
Layon kasi ng pamahalaan na mas palawakin pa ang muling pagbubukas ng ekonomiya matapos manamlay dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa pulong ni Pangulong Duterte at ang mga miyembro ng gabinete noong Lunes ay napagkasunduan na payagan na ang “provincial buses in point-to-point routes na inaprubahan ng LTFRB at local government unit ang destinasyon kabilang na ang stop-over/transit terminals,” ayon sa inter-agency task force against COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
