MAKIKIPAG-UGNAYAN ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa local government units (LGUs) hinggil sa pagpapalabas ng ordinansa na magre-regulate sa posibleng pagbabalik ng 4,000 provincial buses sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni MMDA chairperson Benjamin Abalos Jr. na plano niyang makipagkita sa mga alkalde ng Pasay, Caloocan, Makati, Mandaluyong, San Juan at Quezon City para tulungan ang mga ito na pangasiwaan ang provincial buses sakali’t maipagpatuloy ang operasyon nito sa mga pangunahing lansangan.
“Kasi kung may ordinansa sila, number one baka pwedeng ‘wag nilang payagan or number two, lagyan ng window period—sige pumasok ka pero 12am hanggang 4am ka lang—pwedeng ganon,” ayon kay Abalos.
Ani Abalos, binago ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga ruta ng mga bus para bigyang-daan ang bus carousel na may 85 stations sa kalakhang Maynila kabilang na ang 37 sa kahabaan ng EDSA.
“Nung ginawa ito ng LTFRB, nagdemanda ‘yung isang bus company na, ‘Hindi mo pwedeng gawin sa amin ‘yan, pwede pa ring bumyahe sa EDSA.’ In short, nabigyan ng temporary restraining order (TRO) ng isang judge,” aniya pa rin.
Idagdag pa ni Abalos na noong panahon na nagsimula pa lamang ang COVID-19 pandemic, ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ay nagpalabas ng resolusyon para gamitin ang mga terminal sa pagsunod sa health protocols.
Sa oras naman aniya na mabawi ang resolusyon, ang nasabing TRO ay maaari nang ipatupad, kaya papayagan na ang pagbabalik ng 4,000 provincial buses sa EDSA.
“Hindi covered ng TRO ‘yon dahil IATF ‘yon eh. Ang problema, ito ngayon sa IATF, parang tatanggalin na itong patakaran na ito dahil mababa na ang kaso, hindi na kailangan ng alert level,” ayon kay Abalos. (CHRISTIAN DALE)
