AMINADO ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na hindi nito magawang ipagpatuloy ang opisyal na operasyon kasunod ng pagbibitiw ng dalawang commissioner.
Nagbitiw sa puwesto bilang mga miyembro ng ICI sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at Rosanna Fajardo, dahilan upang si ICI Chairperson Justice Andres Reyes Jr. na lamang ang maiwan sa komisyon.
Sa isang kalatas, ipinaliwanag ng ICI na ayon sa Executive Order No. 94, ang komisyon ay dapat binubuo ng isang chairperson at dalawang miyembro. Bilang isang collegial body, maaari lamang umano itong magsagawa ng opisyal na aksyon kapag may pahintulot ng mayorya ng mga kasapi.
“Consequently, following the resignation of its two commissioners, the Commission is unable to resume its official operations until a quorum is restored,” ayon sa ICI.
Si Justice Reyes Jr. mismo ang nag-anunsiyo ng pagbibitiw ni Singson, na aniya’y bunsod ng edad at stress na dulot ng trabaho sa komisyon. Samantala, ang pagbibitiw naman ni Fajardo ay dahil tapos na umano ang kanyang tungkulin.
Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa napagpapasyahan kung magtatalaga ng mga bagong commissioner.
Nauna nang sinabi ni ICI Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. na hindi muna makapaghain ng anomang referrals ang komisyon dahil sa kakulangan ng mga commissioner.
Gayunman, iginiit ng ICI na patuloy pa rin nitong pinoproseso, inaayos, dinodokumento, at iniingatan ang lahat ng rekord at ebidensiya na nasa kustodiya nito.
(CHRISTIAN DALE)
55
