Sa paghahambing ng ECs sa Meralco NEA BINIRA NG CONSUMERS

BINATIKOS ng grupong Laban Konsyumer Inc. (LKI) ang National Electrification Administration (NEA) dahil sa umano’y hindi makatarungang paghahambing nito sa mga singil ng mga electric cooperative (ECs) at ng Meralco, lalo na sa gitna ng tinawag nilang hindi maayos na serbisyo mula sa ilang kooperatiba.

Ayon sa LKI, bago pa man ihambing ng NEA ang mga EC sa Meralco, kailangang tiyakin muna kung patas ba ang naturang paghahambing pagdating sa kalidad ng serbisyo.

Sa isang pahayag, sinabi ng LKI na ang pagkukumpara ng Meralco sa ECs ay hindi patas sa kasalukuyan.

“Bagama’t totoo na may ilang electric cooperative na may mas mababang singil sa kuryente, mahalaga ring alamin kung ang serbisyo nila ay maihahambing sa Meralco at iba pang pribadong distribution utility na nagseserbisyo sa malalaking lungsod sa Visayas at Mindanao,” saad ng grupo.

Dagdag pa ng LKI, nauunawaan nilang mas gusto ng mamamayan ang mas murang kuryente, ngunit hindi rin dapat isantabi ang kalidad at tuloy-tuloy na serbisyo.

Binigyang-diin din ng grupo ang malaking agwat sa access sa kuryente sa pagitan ng Meralco at ng mga EC. Halimbawa, sa National Capital Region na sakop ng Meralco, aabot sa 98% ang access sa kuryente, habang ang ilang malalayong lugar ay nananatiling kulang sa serbisyo.

Batay sa datos ng Department of Energy, nasa 40.9% lamang ang elektripikasyon sa Mindanao – karamihan sa mga lugar na ito ay sakop ng mga electric cooperative.

Dahil dito, nanawagan ang LKI ng mas malalim na pag-aaral kung talaga bang makatarungang ikumpara ang mga rate ng EC sa Meralco, lalo na’t iba rin ang antas ng serbisyong ibinibigay.

“Hindi patas para sa ibang distribution utility na ikumpara sa mga electric cooperative na kulang ang kalidad ng serbisyo,” ayon sa grupo.

Binigyang-pansin din ng grupo ang isang ulat mula sa Asian Development Bank noong Setyembre 2019, na isinulat ni Shinichi Taniguchi. Sa ulat na ito, sinabing patuloy pa ring humaharap ang Pilipinas sa malalaking hamon sa sektor ng enerhiya—kabilang ang agwat sa antas ng elektripikasyon sa pagitan ng lungsod at mga rural na lugar, gayundin ang kakulangan sa suplay ng kuryente.

Mariin ding kinondena ng LKI ang NEA sa umano’y pagpapakalat ng nakapanlilinlang na mga pahayag sa halip na ituon ang pansin sa pagbibigay ng malinaw at komprehensibong ulat sa rural electrification program na nagsimula pa noong 1960s.

Nanawagan ang grupo ng ganap at patas na pagsusuri—hindi lamang sa presyo kundi sa kabuuang kalidad ng serbisyo.

“Dapat ay maging tapat at accountable ang NEA sa mamamayan at ituon ang trabaho nito sa pagbibigay ng maayos, abot-kaya, at episyenteng serbisyo sa lahat ng Pilipino,” dagdag pa ng LKI.
Ang mga pahayag ng LKI ay isinalin mula sa orihinal na Ingles.

101

Related posts

Leave a Comment