Sa pagpuno sa blangkong bicam report MIYEMBRO NG TWG SA 2025 NAT’L BUDGET DAMAY SA KASO

(PRIMITIVO MAKILING)

NADAMAY sa kaso ang mga miyembro ng Technical Working Group (TWG) sa 2025 national budget sa mga kasong isinampa ng grupo ni dating House Speaker at ngayo’y Davao del Norte Representative Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez laban kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ilan pang mambabatas.

Kabilang sa mga kinasuhan sa Quezon City Prosecutors’ Office ay mga respondent na pinangalanan lamang bilang mga ‘John Doe’ at ‘Jane Doe’ na tumutukoy umano sa mga technical working group member na nag-assist at naglagay ng halaga sa mga blangkong bahagi ng niratipikahang 2025 Bicam report.

Tulad nina Romualdez, House Majority Leader Jose Manuel Dalipe, dating appropriation committee chairman Elizaldy Co at senior vice chairman ng nasabing komite na si Marikina rep. Stella Quimbo, ipinagharap ang mga ito sa 12 bilang ng falsification of public documents.

Bukod pa rito ang kasong paglabag sa anti-graft and corruption act na isinampa din ng grupo ni Alvarez sa Office of the Ombudsman matapos matuklasan na umaabot sa ₱241 bilyon ang isiningit umano ng Kamara sa pambansang pondo na nagkakahalaga ng ₱6.352 trilyon.

Sa isa namang panayam, hinamon ni Alvarez si Co at mga miyembro ng TWG na magsabi ng totoo kapag nilitis na sila ito ng husgado sa mga kasong isinampa laban sa kanila.

Samantala, sinabi naman ni Taguig rep. Amparo Maria Zamora na karapatan ng sinumang kasama si Alvarez na magsampa ng kaso upang magkaroon ng pagkakataon ang mga akusado na idepensa ang kanilang sarili.

Gayunpaman, labis na nagtataka si Zamora dahil sa hinabahaba aniya ng pagdinig sa pambansang pondo sa komite at maging sa plenaryo ay hindi umano nila nakikita si Alvarez na sumasali at ginagampanan ang kanyang tungkulin.

“Bilang assistant majority leader parati po akong nasa session floor, bihira ko po siyang nakita. So, nandoon na po iyong chance sana na kung mayroon siyang sisilipin, mayroon siyang mga tanong, masasagot na sana noon pa,” ayon pa sa mambabatas.

2

Related posts

Leave a Comment