PUNA ni JOEL O. AMONGO
NITONG nakaraang 4th quarter ng 2025 bumulusok sa -3% ang net trust rating ni Pangulong Junjun Marcos na maliwanag pa sa sikat ng araw na patunay na wala nang tiwala sa kanya ang mga Pilipino.
Sa kasaysayan ng panguluhan sa bansa, si Junjun Marcos lang ang nakapagtala ng ganitong kababang resulta ng survey.
Batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Nobyembre 24 hanggang 30, 2025 ay nakapagtala si Junjun Marcos ng -3% trust rating, habang nakakuha naman si Vice President Inday Sara Duterte ng +31%.
Hindi na nakapagtataka kung bakit lumagapak ang tiwala ng mga Pilipino kay Junjun Marcos kasi nitong nakaraang taon ay puro kontrobersiya ang kanyang kinaharap, sinabayan pa nila ng pamumulitika na ang kanilang puntirya ay ang mga Duterte.
Sinimulan nila sa sapilitang pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, impeachment laban kay VP Sara Duterte na pilit itinatanggi ni Junjun Marcos, na ang unang pumirma ay walang iba kundi ang kanyang anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Nariyan ang ipinagmalaki niyang 5,500 flood control projects na tapos na raw at may ginagawa pa sa panahon ng kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2024.
Makalipas ang ilang linggo ay tinamaan ng mga kalamidad ang bansa, kaliwa’t kanan ang pagbaha sa Metro Manila at iba pang mga probinsiya, kung kaya’t hinanap ng mga Pilipino ang ipinagmamalaking 5,500 flood control projects, subalit wala siyang maipakita.
Siya na mismo ang naghanap at natuklasan niya na substandards at ang iba ay tinawag niya pang guni-guni lang na mga proyekto.
Pagdating ng panibagong SONA ni Junjun Marcos nitong nakaraang July 28, 2025 ay nagsalita na siya sa harapan ng mga kongresista, senador, iba’t ibang opisyal ng gobyerno at mga panauhing dayuhan na dumalo sa Batasan Pambansa, at sinabi niyang “Mahiya naman kayo!”
Ilang linggo ang nakalipas ay bumuo siya ng “Isumbong Mo sa Pangulo Website”, at nagtatag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para maresolba at maparusahan daw ang mga nasa likod ng maanomalyang flood control projects.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kamara sa nasabing katiwalian sa pondo ng gobyerno, ikinanta sina dating Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, 17 dati at kasalukuyang kongresista, congressmen-contractors (Congtractors), private contractors at DPWH engineers.
Natapos ang imbestigasyon ng Senado at Kamara na walang napanagot sa mga nabanggit na sangkot sa korupsyon.
Nagpatuloy sa imbestigasyon ang ICI hanggang sa umalis bilang miyembro nito sina Baguio City Benjamin Magalong, Commissioner Rogelio “Babes” Singson at Comm. Rosanna Fajardo, na walang napapanagot na tinatawag na mga “big fish.”
Hindi rin natupad ang pangako ni Junjun Marcos na may magpa-Pasko sa kulungan na malalaking isda, at wala ring natupad hanggang ngayong Jan. 6, 2026.
Hindi pa rin ipinatatawag sina dating Speaker Martin Romualdez na idinawit ni Zaldy Co, at Master Sgt. Orly Guteza.
Nawala na rin sa pwesto sina dating Executive Secretary Lucas Bersamin, Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman, DPWH Sec. Manny Bonoan at maraming iba pa na idinawit sa kontrobersiya subalit hindi pa rin ipinatawag ang mga ito.
Sa lahat ng mga problemang ‘yang ay walang ibang sinisisi sina Atty. Harold Respicio, dating Rep. Mike Defensor at dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, kundi si Junjun Marcos.
Itinuro na siya (Junjun Marcos) ni Zaldy Co na hinahatiran niya ng male-maletang pera, kaya sabi ni Mike Defensor ay walang ibang mastermind kundi ang batang Marcos.
Kaya malabo nang magtiwala pa sa kanya ang mamamayan, sabi nga ni VP Sara Duterte, isama na ni Junjun Marcos ang kanyang sarili na ipakulong dahil siya naman ang pumirma sa pinakakorap na 2025 national budget.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
36
