(BERNARD TAGUINOD)
INDIKASYON na palalim nang palamin ang hidwaan sa loob ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang biglaang pagsibak kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III.
Ganito inilarawan ni House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio ang pagsibak kahapon ng Malacanang kay Torre na 85 araw pa lamang naninilbihan bilang hepe ng pambansang pulisya.
“Ang patuloy na rigodon at awayan sa loob ng PNP ay nagpapatunay sa lumalalim na hidwaan sa administrasyong Marcos. Magkakaibang mga grupo ang nag-aagawan ng kapangyarihan sa gitna ng malalang korapsyon sa gobyerno, kapos na serbisyong panlipunan, at lumalalang kahirapan ng mamamayan,” ani Tinio.
Nangyari ang pagsibak kay Torre ilang araw matapos umugong ang banggaan nila ng National Police Commission (NAPOLCOM) at ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla hinggil sa hindi umano otorisadong paglilipat sa ilang senior officials ng PNP.
Sinabi ni Tinio na patunay lamang ito na nagkakaroon ng seryosong dibisyon sa enforcement machinery ng Marcos administration habang sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Renee Co na ang ganitong pangyayari ay asal ‘authoritarian”.
“We urge the Filipino people to look past these internal power struggles and concentrate on pressing concerns: justice for human rights victims, holding high officials accountable for massive corruption of flood control, confidential and intelligence, and other pork barrel funds, and the Marcos administration’s failure to ensure adequate wages and affordable cost of living,” ayon pa kay Tinio.
Hindi naman naitago ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang pagkadismaya dahil mas nauna pa umanong sibakin ni Marcos si Torre kesa sa mga sangkot sa flood control projects anomaly.
“Yung mga sangkot sa flood control dapat ang sibakin pero Chief PNP ang tinanggal. Anyare?” tanong ni Cendaña.
walang tinukoy na pangalan ang mambabatas subalit marami ang nagmumungkahi na tanggalin na sa puwesto si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at mga district engineer na pinaghihinalaang sangkot sa anomalya sa flood control projects.
‘Lumagpas sa Linya’
Samantala, naniniwala si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na ang mga pagdedesisyon ni Police General Nicolas Torre III nang ‘beyond his authority’ o lagpas na sa kanyang awtoridad ang dahilan ng pagkakatanggal sa kanya bilang hepe ng pambansang pulisya.
Sinabi ni Lacson na unilateral ang naging desisyon ni Torre nang sibakin ang 2nd in-command sa PNP na si Police Lt. Gen. Melencio Nartatez.
Ipinaliwanag ng senador na dating PNP chief, na ang pagtatalaga at pagsibak sa mga miyembro ng PNP Command Group na kinabibilangan ng Deputy for Administration, Deputy for Operations and Chief, Directorial Staff ay dapat na may clearance mula sa Pangulo o kahit sa ex-officio Chairman ng NAPOLCOM, at sa kalihim ng Department of the Interior and Local Government.
Noong siya anya ay binigyan ng blanket authority ni dating pangulong Joseph Estrada na pamunuan ang PNP ay hindi niya pinairal ang absolute authority sa pagtatalaga ng miyembro ng Command Group.
Ang pagsibak anya kay Torre ay sole prerogative ng Pangulo at ang mahalaga ay magkaroon ng smooth transition sa susunod na pinuno ng PNP upang matiyak na tuloy-tuloy ang trabaho ng pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Nartatez Bagong CPNP
Kahapon ay agad itinalaga bilang PNP chief Officer In Charge si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang dating PNP’s Number 2 man na itinalaga ni Torre sa Mindanao nang walang kumpirmasyon mula sa Malacanang o sa DILG base na rin sa umiiral na DILG Act.
Kinumpirma ng DILG na isa sa mga dahilan sa pagsibak kay Torre sa puwesto ay bunsod ng ipinatupad nitong reshuffle sa PNP.
Magugunitang kamakailan ay inatasan ng National Police Commission si Torre na bawiin ang ipinag utos niyang reassignment sa ilang top rank police officials.
“That among other things, is part of the consideration of the President,” tugon naman ni DILG Secretary Jonvic Remulla nang tanungin siya ng media kung may kaugnayan ang blocked reshuffle bid sa pagkakaalis kay Torre sa puwesto.
“The move was difficult but necessary,” aniya pa.
Si Nartatez ay kasalukuyang PNP- Area Police Commander (APC) for Western Mindanao. Una rito ay nagsilbi siyang PNP Deputy Chief for Administration at Director ng PNP-National Capital Region Police Office, Calabarzon police, Directorate for Intelligence, at Directorate for Comptrollership.
Si Nartatez ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Tanglaw-Diwa Class of 1992, kabilang siya sa huling batch ng PMAers na magiging PNP chief.
Habang si Torre naman na miyembro ng Philippine National Police Academy “Tagapaglunsad” class of 1993 ay kauna-unahang nahirang na PNP chief na nagmula sa PNPA.
Early Retirement
Kaugnay nito, inilutang ni Remulla ang posibilidad ng early retirement para kay Torre.
Ani Remulla, walang nilabag na batas si Torre at wala itong criminal at administrative case sa kabila ng pagkakatanggal sa pwesto..
Sinabi ni Remulla, na mahirap ang desisyon ni Pangulong Marcos na alisin sa pwesto si Torre pero kinakailangan umano ito dahil nais umano ng Pangulo na matiyak na iisang direksyon lang ang
national security apparatus ng pamahalaan.
Aniya, dapat masunod ang batas at maganda ang relasyon ng PNP at NAPOLCOM.
Alam na umano ni Torre ang pag-alis sa kanya dahil limang beses itong tinawagan ng kalihim nitong Lunes ng gabi at nag-acknowledge naman ito.
Samantala, kinokonsidera umano ng Pangulo na bigyan ng ibang pwesto sa pamahalaan si Torre.
Paglilinaw ng kalihim, walang bahid pulitika ang pag-alis kay Torre at may opsyon itong mag-early retirement.
(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA/JESSE KABEL RUIZ/TOTO NABAJA)
