HINDI magiging makatotohanan ang sinasabing pagbabago at pagkakaroon ng transparency sa pambansang pondo kung hindi ilalahad ni dating House appropriations chairman at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang ginawang pagbabago ng small committee sa 2025 national budget.
Kahapon ay muling hinamon ni Navotas Rep. Toby Tiangco si Co na isapubliko ang amendment na ginawa nito at tatlo pang kasama sa small committee dahil walang naipresentang dokumento ang kasalukuyang chairperson ng nasabing komite na si Nueva Ecija Rep. Mikael Suansing.
“Walang napadalang report ang Committee Secretariat, kaya ibig sabihin, wala. Pero imposible naman na hindi alam ni Cong. Zaldy Co kung ano ang mga amendments dahil siya ang chair ng Committee on Appropriations noon,” ani Tiangco.
Naging kalakaran na sa Karama ang pagbuo ng small committee para ipasok ang individual amendments ng mga miyembro ng Kapulungan bago ito ipasa sa ikatlo at huling pagbasa at isalang sa Bicameral conference committee.
Noong 2024, muling bumuo ng small committee ang Kamara para sa 2025 National Expenditure Program (NEP) kung saan chairman si Co at miyembro nito sina appropriations committee senior vice chairperson at dating Marikina Rep. Stella Quimbo, dating House majority leader Jose Manuel “Manix” Dalipe at House minority leader Marcelino Libanan.
Lumalabas na walang naisumiteng report ang small committee matapos mabigo si Suansing na ilabas ang hinihinging dokumento ni Tiangco.
“Kaya muli nating hinahamon si Cong. Zaldy Co na ilabas at isapubliko ang mga amendments na ginawa ng small committee sa 2025 National Budget, para makita ng lahat kung saan nagbawas at saan nagdagdag ng pondo,” ayon pa kay Tiangco.
Hinamon din ng mambabatas ang liderato ng Kamara na patunayan na totoo ang ipinangako ng mga ito na buksan sa publiko ang deliberasyon sa 2026 NEP sa pamamagitan ng pagsasapubliko sa small committee report.
“The 2025 small committee report is a necessary starting point, and only Cong. Zaldy Co can explain this. The House leadership should compel him to do so. We cannot and should not move forward if we do not hold those responsible for the national budget accountable,” ayon pa sa mambabatas.
“Gaya ng lagi kong sinasabi, kung seryoso talaga kayo and to show good faith, the first step to real transparency is showing the amendments made by the small committee to the 2025 budget. Kung ayaw nila ilabas ‘yan, lokohan lang ito,” dagdag pa ng mambabatas.
(BERNARD TAGUINOD)
