DPWH IDINIIN SA GHOST PROJECT SA BULACAN

HINDI bunga ng insertions ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang flood control projects na natuklasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ghost projects kundi proyekto ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ang lumalabas matapos balikan ni House committee on public accounts chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang 2025 National Expenditure Program (NEP) upang malaman kung sino ang nagpanukala ng nasabing proyekto sa Brgy. Piel, Baliuag, Bulacan.

“Reinforced Concrete Riverwall Project implemented by DPWH Bulacan First Engineering District and Syms Construction Trading, and inspected and deemed a ghost project by President Ferdinand Marcos Jr. was a National Expenditure Program originated project,” ani Ridon.

Base sa dokumento na inilabas ni Ridon, may pondong P60 million ang nasabing proyekto na kasama sa NEP at hindi ito ginalaw ng Kongreso kaya naisama ito sa 2025 General Appropriations Act (GAA).

Sa kalakaran ng pagbuo ng pambansang pondo, nagsusumite ang mga ahensya ng gobyerno kasama na ang DPWH ng mga proposed project ng mga ito at isasama ito sa NEP na siyang isusumite naman sa Kongreso para busisiin at aprubahan.

Dahil dito, lumalabas na ang DPWH ang orihinal na nagpanukala sa nasabing proyekto at hindi ito ginalaw ng Kongreso kaya pareho ang halaga nito sa NEP at 2025 GAA.

Magugunita na personal na pinuntahan ni Marcos ang nasabing barangay para inspeksyunin ang proyekto subalit hindi lang nadismaya ang Pangulo kundi ikinagalit niya ang natuklasan dahil walang ginawang proyekto sa nasabing lugar.

Ito ay sa kabila ng report ng DPWH na kumpleto na ang nasabing proyekto at nabayaran na ang contractor.

Inaasahan na kasama ito sa bubusisiin ng Tri-Infra Committee sa kanilang gagawing imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects anomang araw ngayon.

Hindi Palabas Lang

“Hindi ito witch hunt. Pero hindi rin ito palabas.”

Pahayag ni House deputy speaker Jay Khonghun sa gitna ng pagdududa ng marami sa gagawing imbestigasyon ng Tri-Infra committee sa flood control projects lalo na’t may mga congressman na nadadawit ang pangalan sa nasabing anomalya.

“Those who were entrusted with the people’s money—whether in government or the private sector—must explain. And if wrongdoing is proven, they must face consequences,” paniniyak ni Khonghun kung saan idinagdag nito na “Walang sagrado. Walang untouchable. Kapag may sablay, dapat may panagot”.

Ayon sa mambabatas, hindi umano hahayaan ng mga ito na malunod sa baha ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno kaya kung may mapatutunayang nagkasala at sangkot sa anomalya ay dapat aniyang managot.

Sinabi ng mambabatas na layon ng imbestigasyon na makagawa ng batas para hindi na maulit ang ganitong katiwalian sa hinaharap, hindi lamang sa flood control projects kundi maging iba pang imprastraktura ng gobyerno.

“Hindi sapat na magalit tayo tuwing bumabaha. Kailangan nating baguhin ang sistema para hindi na ito maulit, This is not just about punishing the guilty—it’s about protecting the innocent,” ayon naman kay Deputy Speaker Paolo Ortega V.

Base sa mga report, mahigit P500 billion ang halaga ng mga kwestiyonableng flood control projects na unang binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., mula 2022 hanggang 2025.

“Hindi ‘yan pondo ng kung sino-sino. Pondo ‘yan ng mamamayan. At bawat sentimo dapat may pakinabang,” ayon pa kay Ortega.

“Kapag buhay ng tao ang nakataya, bawal ang palusot. Bawal ang palakasan. Every peso we lose to corruption is a life left at risk when floods hit. This investigation is not about politics—it’s about justice,” dagdag pa ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

72

Related posts

Leave a Comment