TARGET ni KA REX CAYANONG
MALINAW na sa pagsisimula ng ika-20 Kongreso, buong husay at malasakit na inihain ni Congressman Jimmy Fresnedi ng One Muntinlupa Party, ang sampung (10) prayoridad na panukalang batas na nakatuon sa edukasyon.
Ito ay isang malinaw na pahayag na ang tunay na lider ay inuuna ang pundasyong nagbubukas ng mas maraming oportunidad at ito ay ang edukasyon.
Sa panahong ang kalidad at accessibility ng edukasyon ay patuloy na sinusubok ng makabagong hamon, mahalagang kilalanin ang mga hakbang na may layuning palawakin ang saklaw ng serbisyo, iwasto ang mga kakulangan, at bigyang saysay ang bawat piso ng pondo para sa kabataang Pilipino.
Makikita sa mga panukala ni Cong. Fresnedi ang isang sistematikong pananaw, mula sa infrastructure gaps ng mga paaralan sa liblib na lugar (HB 28), hanggang sa curriculum reform para sa mas epektibong pagtuturo (HB 29), at mas inklusibong tulong pinansyal sa mga estudyanteng mahihirap (HB 30). Hindi lamang ito tugon sa kasalukuyang problema, kundi isang long-term investment para sa pambansang kaunlaran.
Kahanga-hanga rin ang pagbibigay-puwang sa partisipasyon ng stakeholders (HB 31), at pagsuporta sa ugnayan ng pribado at pampublikong sektor (HB 32 at HB 33), isang hakbang na nagpapakita ng pang-unawang hindi kayang iahon ng gobyerno ang edukasyon sa sarili nitong lakas. Kailangan ang kooperasyon, hindi kompetisyon.
Hindi rin nakaliligtaan ang pag-adapt sa digital age. Sa pagbibigay ng student load discounts (HB 34) at media literacy programs (HB 35), sinisigurong ligtas at kapaki-pakinabang ang teknolohiya sa mga kabataan. Maging ang mga kabataang may natatanging kakayahan (HB 36) at mga sanggol sa early learning stage (HB 37) ay may espasyong protektado at suportado.
Ang mga panukalang ito ay malinaw na hindi lamang bunga ng ideya, kundi bunga ng karanasan at paninindigan, isang kongresistang matagal nang nagsisilbi at nakaugat ang pagkilos sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Kung nais nating makitang umunlad ang Pilipinas, kailangang mag-umpisa tayo sa classroom at dito natin masusukat ang tunay na malasakit ng ating mga lider.
Sa adbokasiyang “Karunungang Abot-Lahat” ni Congressman Jimmy Fresnedi, makikita nating ang edukasyon ay hindi lamang prayoridad sa papel, ito ay isang ipinaglalaban, isinusulong, at isinasabuhay.
Suportahan natin ang isinusulong ni Cong. Fresnedi na edukasyong inklusibo, edukasyong makabago, at edukasyon para sa lahat.
