(NELSON S. BADILLA)
HINDI tumigil ang mga sindikato ng ilegal na droga sa kanilang negosyo kahit rumaragasa ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa buong bansa nitong nakalipas na taon.
Napakalaking problema ng COVID-19 dahil bukod sa nakamamatay ang sakit na ito, halos kitilin nito ang ekonomiya ng bansa.
Ngunit, nanatiling laganap pa rin ang bentahan at adiksyon sa ilegal na droga sa maraming panig ng bansa, ayon sa ulat ng iba’t ibang yunit ng Philippine National Police (PNP) na ipinararating sa media.
PRAYORIDAD
KAYA, pangunahin pa ring inaksyunan ng mga naging pinuno ng PNP nitong nakaraang taon na sina General Archie Francisco Gamboa, General Camilo Cascolan at General Debold Sinas ang paglaban sa ilegal na droga kumpara sa ibang uri ng krimen.
Kahit si Sinas ay pagsugpo sa ilegal na droga pa rin ang pangunahing adyenda nang maupo siyang pinuno ng pambansang pulisya noong Nobyembre 10.
Nagpatuloy pa rin ang pagpatay, “extra judicial killings” (EJK), na kinasasangkutan ng mga pulis sa mga taong sangkot sa pagbebenta, pagtutulak at paggamit ng iba’t ibang klase ng bawal na gamot, batay pa rin sa mga ibinalita sa mga pahayagan, online news platform, telebisyon at radyo.
Sa pag-aaral na isinagawa ng UP Third World Studies Center at ng Department of Conflict and Development Studies ng Ghent University na may pamagat na “Violence, Human Rights, and Democracy in the Philippines”, sa unang 51 araw ni Sinas ay umabot na sa 82 ang mga pinaniniwalaang ‘pinatay’ na mga suspek sa bentahan at adiksyon sa ilegal na droga.
DALAWA KADA ARAW
SI Sinas ang ikalimang PNP chief sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang una ay si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na 656 araw sa pagiging pinuno ng PNP.
Ayon sa pag-aaral ng UP at Ghent, dalawang suspek bawat araw ang namamatay mula nang maging pinuno si Sinas PNP hanggang Disyembre 2020.
Kapareho siya ng naganap sa panahon ni General Oscar Albayalde.
Ayon sa parehong pag-aaral, dalawa rin ang namamatay na mga personalidad sa ilegal na droga sa loob ng 544 araw na panunungkulan ni Albayalde.
Sa kabuuan, mayroong 1,096 taong sangkot sa droga ang namatay habang si Albayalde ang hepe ng PNP.
Si Albayalde na siyang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ipinalit ni Duterte kay Dela Rosa dahil “istrikto” at “permis sa pagdedesisyon”.
Parehong nagtapos sina Dela Rosa at Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1986.
Sumunod na taon naman nagtapos si Sinas.
GAWA NG PULIS?
HINDI maipagkakailang madugo ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.
Sa termino niya naging tuluy-tuloy ang madugong kampanya sa ilegal na droga.
Batay sa datos ng UP at Ghent na galing din sa mga ibinalita sa media, simula kay Dela Rosa hanggang kay Sinas ay mga tauhan ng PNP ang siyang may kagagawan ng pinakamalaking bilang sa mga namatay sa mga operasyon laban sa ilegal na droga.
Mayroon ding mga namatay na ang kumana ay hindi pulis, banggit din sa pag-aaral ng UP at Ghent University.
Bagamat maiksing panahon pa lang sa pwesto si Sinas, umabot na sa 78 porsiyento ang mga namamatay mula Nobyembre hanggang Disyembre ng nakalipas na taon at pulis umano ang dumale sa kanila.
Dinaig pa ng pamumuno ni Sinas sa PNP ang termino ni Dela Rosa na 58% ang iskor sa papel ng mga pulis sa patayang naganap sa mga sangkot sa ilegal na droga.
Tinalo rin ni Sinas ang pinalitan niyang si Cascolan na mahigit dalawang buwan lamang naging hepe ng PNP.
Higit na mahaba ang termino ni Dela Rosa kumpara kay Sinas.
Sa kabuuan, naitalang 1,864 ang mga namatay sa panahon ni Dela Rosa.
Pinatutunayan ng datos na simula kay Dela Rosa hanggang kay Sinas ay tuluy-tuloy ang katangiang “madugo” ang kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Inaasahang ipagpapatuloy ang ganitong katangian kahit mapalitan si Sinas kapag nagretiro ito sa Mayo 8.
Dalawa pa ang inaasahang magiging hepe ng pambansang pulisya bago matapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022 kung kasabayan ni Sinas sa PMA ang itatalaga ng pangulo.
SAPOL ANG MALILIIT
BATAY sa datos, pinakamalaking bilang sa mga namatay ay maliliit na tulak at adik kaysa sa malalaking tao sa daigdig ng ilegal na droga na kung tawagin ay “high – value target” (HVT).
Sa nasabing impormasyon, limang “maliliit” na tulak at adik ang namamatay, o napapatay, sa bawat isang ‘pinatatahimik’ na HVT.
Ang HVT ay ang mga supplier ng droga hanggang sa kasapi ng sindikato.
Minsang inamin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva sa media na “marami” pa ring sindikato ng droga sa bansa kahit hindi tumitigil ang operasyon ng PDEA at ng PNP laban sa kanila.
Sa kabila ng ganitong kalagayan, tiniyak ni Villanueva na wala nang ‘malalaking’ laboratoryo ng shabu, o methamphetamine hydrocholoride sa bansa.
Aniya, nalansag ang malalaking shabu lab ngayong termino ni Duterte.
Ang mga umiiral na lamang sa kasalukuyan ay “kitchen-type shabu lab” na iisang chemist ang gumagawa ng shabu, patuloy ng opisyal.
UTOS NI DUTERTE
NAPILI si Sinas ni Pangulong Duterte na maging hepe ng PNP kahit naging kontrobersiyal ito dahil sa paglabag sa batas at alintuntunin hinggil sa COVID-19 sa kanyang ika-55 taong kaarawan noong Mayo 8, 2020 at kahit na mayroong “senior” at “kuwalipikado” kaysa sa kanya.
Ito’y dahil sinasabing ‘napakatindi’ ng operasyon ng PNP laban sa ilegal droga sa Central Visayas Region noong si Sinas ang direktor dito.
Signipikante ang bilang ng mga namatay nang ikasa ang “Oplan Sauron”.
Subalit, ang higit na matinding dahilan na nailabas sa media ay ang “malakas na bulong” ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager (GM) Royina Garma.
Si Garma ay pinaniniwalaang “napakalakas” kay Duterte.
Nang ilagay si Sinas sa puwesto, idiniin ng Malakayang na “malaki ang papel” ng heneral sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.
Sa kanyang pagtanggap ng pinakamataas na posisyon sa PNP, nanindigan si Sinas na ipagpapatuloy ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.
Ani Sinas: “Simple lang ang gusto ko bilang ama ng ating organisasyon: we should walk the talk in the PNP”.
“Magtrabaho tayo ayon sa ating mandato tungo sa ligtas at tahimik na mamamayan”, birada ni Sinas.
Ang Commission on Human Rights (CHR) na isa sa mga pangunahing kritiko ng PNP sa panahon ni Duterte ay umasang magsasagawa ng “concrete actions from the PNP in realizing openness and genuine cooperation in investigating said human rights violations—even in cases when State officers and agents are allegedly implicated in their commission” sa ilalim ng pamumuno ni Sinas.
“May the PNP continue to affirm its motto to “serve and protect”; live by the core values of Service, Honor and Justice; and be exemplars and advocates of the rule of law,” paliwanag pa ng tagapagsalita ng CHR na si Atty. Jacqueline de Guia.
Batay sa mga balitang lumabas sa mga pahayagan, online news platforms, telebisyon at radyo at sa impormasyong inilabas ng UP at Ghent University, ipinagpatuloy ng PNP, sa pamumuno ni Sinas, ang madugong gyera laban sa ilegal na droga na ipinakasa ni Duterte simula nang maging pangulo siya noong 2016.
