BINANATAN ng mga netizen ang integridad ng Senate Blue Ribbon Committee matapos mabunyag na ang director general nito ay si Atty. Rodolfo Noel Quimbo—nakatatandang kapatid ni Marikina Rep. Miro Quimbo.
Si Atty. Quimbo ang isa sa pinakamakapangyarihang opisyal ng komite na ngayo’y nag-iimbestiga sa kontrobersya sa flood control projects. Sa isang social media post mismo ni Rep. Quimbo, kinumpirma niyang kapatid niya ang nasabing opisyal.
Sa nakaraang pagdinig, inihayag nina Sarah at Curlee Discaya ang pangalan ng ilang mambabatas, kabilang si Cong. Marcy Teodoro—na matagal nang karibal ng pamilya Quimbo sa pulitika. Ayon sa mga Discaya, nakatanggap umano ng pera si Teodoro mula sa kanila.
Mariin itong pinabulaanan ni Teodoro at tinawag na “demolition job” at ganti sa kanyang pagbubunyag tungkol sa double funding ng mga proyekto ng DPWH sa 2026 National Expenditure Program.
“Malinaw pa sa sikat ng araw na ito ay diversionary tactics ng mga sindikato… Walang katotohanan ang paratang. Isa lang itong cheap shot para siraan ako,” giit ng kongresista.
Dagdag pa ni Teodoro, hindi pa siya kongresista nang makakuha ng kontrata ang mga Discaya dahil panahon pa umano iyon ni yumaong Bayani Fernando.
Kapansin-pansin din na hindi naisama sa listahan ng mga Discaya si Stella Quimbo—asawa ni Miro, dating deputy chair ng appropriations at miyembro ng small committee na tumutok sa 2025 budget.
Ibinunyag pa ni Navotas Rep. Toby Tiangco na si Stella Quimbo mismo ay kabilang sa small committee kung saan ginawa ang ilang budget insertions.
254
