BIBIGYAN ng one-time amnesty ang mga residente ng Valenzuela City na first-time violators sa bike lane ordinance ng lungsod.
Ang mga residenteng may paglabag sa ordinansa na nahuli sa ‘no contact apprehension’ mula Enero 3 hanggang Mayo 23 ngayong taon lamang maaaring mag-apply para sa nasabing amnestiya.
Kailangang sagutan ang Bike Lane Amnesty Application Form at ipasa sa Valenzuela City Traffic Violation Adjudication Committee (VCTVAC), at dapat magpakita ng dalawang valid government-issued ID bilang katunayan na residente ng lungsod.
Kailangan ding ipasa ang photocopy ng Land Transportation Office Official Receipt at Certificate of Registration ng sasakyan. Ang rehistro ng sasakyan ay dapat nakapangalan sa aplikante at nakasaad ang address sa Valenzuela City.
Kasunod ay isumite ang lahat ng requirements sa tanggapan ng VCTVAC sa City External Services Office sa Dalandanan, Valenzuela City.
Susuriin ng VCTVAC ang bawat aplikasyon. Maaaring ipatawag ang aplikante para hingan ng mga karagdagang dokumento o paglilinaw sa ipinasang aplikasyon.
Nilinaw ng pamahalaang lungsod na walang refunds, at hindi na ibabalik ang mga naibayad na sa kanilang tanggapan para sa mga paglabag bago o sa mismong Mayo 23.
Para sa mga katanungan, maaaring tumawag sa VCTVAC sa numerong 8352-2000. (ALAIN AJERO)
