LALONG lalakas ang puwersa na bibigo sa umano’y planong pagtatayo ni Pangulong Rodrigo Duterte ng political dynasty sa pagpapalawig ng Commission on Elections (Comelec) sa voter registration.
Ganito ang pananaw ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.
“Mas may laban tayong wakasan ang pahirap at pasistang pamumuno sa bansa,” aniya.
Kahapon ay kinumpirma ni Comelec Chairman Shariff Abas ang pagpapalawig sa voter registration mula October 9 hanggang 31 matapos ang tila pag-pressure ng publiko at maging ng mga mambabatas sa Kamara at Senado.
“Hindi mapipigilan ng kahit anong pananakot o panloloko ng dinastiyang Duterte, na nagpupumilit kumapit sa pwesto, ang lumalakas na sigaw ng kabataan,” ayon pa sa kampo ni Elago.
Sinabi ni Elago na kapag nakapagrehistro ang natitirang 10 million Filipino hanggang October 31, aabot sa 50 million ang bilang ng mga kabataan na boboto sa 2022 national at local election.
Malaking puwersa aniya ito para biguin si Duterte na sasali sa vice presidential race at mga kandidato nito, hindi lamang sa pampanguluhan kundi sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), aabot sa 73 million ang bilang ng mga Filipino na nasa tamang edad para makaboto sa susunod na taon subalit mahigit 10 million pa ang hindi nakapagparehistro sa Comelec.
Umapela naman si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa mga hindi pa nakapagpaparehistro na huwag nang hintayin ang deadline bago pumunta sa mga registration center ng Comelec. (BERNARD TAGUINOD)
