MULING nagpakawala ng pasabog si Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. laban kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla matapos ang unti-unting pagbagsak at pagkalagas ng mga testigong hawak ng pamahalaan laban kay Teves.
Sa isang Facebook video ni Teves ay tinawanan lamang nito ang aniya’y sablay na tirada ni Remulla kaugnay sa umano’y binayaran ng halagang P8M ng kampo ng kongresista ang sampung suspek sa pagpatay kay Governor Roel Degamo dahilan upang bawiin ng mga ito ang kanilang naunang salaysay na nagtuturo kay Teves bilang mastermind sa madugong Pamplona massacre.
Inalmahan din ng defense lawyers ang naturang akusasyon.
Sinabi ni Atty. Reynante Orceo na walang katotohanan ang pahayag ni Remulla na nag-alok ang mga ito ng walong milyong piso sa bawat suspek. Tila nakalimutan umano ni Remulla na bawal sa isang abogado na akusahan ang kapwa abogado o kaya ay magpakalat ng fake news. Ang DOJ aniya ay kumakatawan sa lahat na mabigyan ng katarungan at hindi upang pumanig kaninoman.
Matatandaang nagpasaklolo ang abogado ng mga suspek sa Commission on Human Rights (CHR) dahil sa reklamo ng mga ito na sila ay pinahirapan ng mga pulis at tinakot ang kanilang pamilya upang mapilitang ituro si Teves na nasa likod ng krimen.
Naungkat din ang dating kaso ng anak ni Remulla nang banatan ni Teves na posibleng pinakialaman umano ng DOJ chief ang kaso kaya mabilis na pinawalang sala ng Las Pinas RTC Branch 197 si Juanito Remulla III sa kasong illegal drugs na nagkakahalaga ng P1.3 milyon. (RUDY SIM)
