SUPORTADO natin ang National Press Club of the Philippines (NPC) sa ginawa nitong pagkondena sa Facebook na nitong nakaraang mga araw ay walang habas ang ginagawang censorship sa mga account na sa tingin nila ay labag sa ipinaiiral nilang community standards kuno.
Hindi natin maintindihan kung saan kumukuha ng lakas ng loob at kapal ng mukha ang FB para magpatupad ito ng mga panuntunan na sila lang naman ang gumawa at sila lang ang nakakaalam.
Alam kaya ni Mark Zuckerberg ang ginagawang ito ng mga bataan niya rito sa Pilipinas na halos nag-aasal diktador na at gustong sila na ang masusunod kung ano ang dapat at hindi dapat ilabas sa Facebook?
Baka nakakalimutan ng pamunuan ng FB na isa itong foreign entity at nag-o-operate sila rito sa atin na isang soberenyang bansa na may sariling batas na sinusunod at umiiral.
Kaya naman nakagagalit na malaman na kahit ang mga respetadong pinuno ng ating pamahalaan na tulad ni National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon Jr. at maging ang mga lehitimong tanggapan ng gobyerno gaya ng Philippine News Agency, ay kaya nilang sagkaan ang karapatan na magpahayag ng kanilang mga lehitimong opinyon at saloobin.
Kapansin-pansin din na kapag mga website na kilalang kritiko ng gobyernong Duterte tulad ng Rappler at Vera Files ay awtomatikong pasok at hindi na halos sinasala ang mga content na ipino-post nila.
Incidentally, ay ginawa ring fact-checkers ng FB ang Rappler at Vera Files kaya naman pasok na pasok sa sistema at talagang nasusunod kung ano lang gusto nilang irekomenda kung fake news o hindi ang isang isyu.
Ano ba ang pagkakapareho ng Rappler at Vera Files?
Parehas lang naman silang foreign-funded media entities na kunwari ay isinusulong ang kalayaan sa pamamahayag pero sa totoo ay ang interes lang ng foreign donors nila ang talagang inilalaban nila.
Mas masakit pa rito ay lantaran din na may sinusuportahang mga kandidato ang mga kakamping website ng FB at kahit karamihan ay propaganda at fake news ang ginagawa ay walang problema at pasok pa rin sa community standards kuno nila.
Kaya naman tama lang na manindigan ang NPC sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Paul Gutierrez, na kondenahin ang pagmamalabis na ito ng FB.
Maliwanag na harassment ang ginagawa ng mga kolokoy na ito kaya naman ngayon pa lang ay dapat na silang bigyan ng leksyon.
Dapat nilang maintindihan na tapos na ang panahon ng pananakop ng mga puti at dapat nilang irespeto ang mga umiiral na batas at hindi na uso ang paghahari-harian nila.
Nananawagan din tayo sa kinauukulang mga tanggapan ng pamahalaan tulad ng Presidential Communications Operations Office at maging ang National Bureau of Investigation upang gumawa ng karampatang imbestigasyon kaugnay ng kabulastugang ito ng FB, Rappler at Vera Files.
93