SADYANG PAGLILIHIS

MALINAW na paglilihis sa tunay na usapin ang naging takbo ng talakayan sa pinakahuling “Talk to the Nation” ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan naging paksa ang expiration date na kalakip ng medical supplies na binili ng gobyerno sa pinaborang Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Ni hindi man lamang nabanggit ang tunay na isyu – ang katiwalian ng mga taong kanyang pinagkatiwalaang tumugon sa tawag ng pangangailangan.

Magkano nga ulit ang ibinayad ng Department of Budget and Management (DBM) para sa dispalinghadong medical supplies? Tumataginting na P44 bilyon, o katumbas ng 22 milyong sako ng bigas na ipinagkait sa mga pamilyang lubhang apektado ng mga paandar ng gobyerno.

Hindi pa kasama sa kwenta ang mga nawala sa iba pang transaksyong kinakitaan ng katiwalian ng Commission on Audit (COA) sa kanilang mga pagsusuring ikinadismaya ng ­Pangulo, sukdulang ulanin ng banta at pagmumura ang mga auditor ng nasabing ahensya.

Hindi rin dapat iwaglit ang mga paglustay sa iba pang tanggapan ng pamahalaan tulad ng Department of Health (DOH) na pinamumunuan ng kanyang paboritong alagang pinili niyang panatilihin sa pwesto sa kabila ng sandamakmak na kapalpakan at katiwalian sa ahensyang kanyang kinakatawan.

Sa kabilang banda, nakakaaliw ang mga tinuran ng Pangulo. Aniya, hindi nag-e-expire ang face shields na binili ng gobyerno maliban na lang kung “abusuhin o itapon-tapon lang”.

“Paano ito mag-expire? Unless abusuhin mo, tapon-tapon mo, pero kung isuot mo lang at ilagay mo nang magandang pagkalagay, paano mag expire ‘yan? Pwede mag-expire pero it will take 10, 15 years. Mag-expire ‘yan dahil sa scratches. Eh kung maalagaan mo ‘yan, mag­tagal ‘yan,” saad ng Pangulo na isang abogado.

Tama, isa siyang abogado at hindi bahagi ng kursong abogasya ang pag-aaral sa shelf life, potency, efficacy at effectivity ng ano mang gamit pang medisina.

Tila nakalimutan ng Pangulong hindi medical grade ang binili ng kanyang gobyerno. Puro dispalinghadong produktong binayaran ng gobyerno nang tatlong doble sa nararapat.

Nakalulungkot na sa kabila pa ng pagdurusa ng mga Pilipino, narito ang Pangulo – walang puknat ang pagtatakip sa mga alagang nabulilyaso.

“Not even a whiff of corruption.”

181

Related posts

Leave a Comment