SAKO-SAKONG SHABU NASAMSAM NG PHIL. ARMY

TINATAYANG 2.2 tonelada ang timbang ng sako-sako ng hinihinalang crystal meth na nasamsam ng Philippine Army 2nd Infantry Division nitong Martes ng umaga matapos nilang respondehan ang isang sumadsad na lantsa sa baybayin ng Barangay Harrison sa Paluan, Occidental Mindoro.

Ayon kay kay Maj. General Ramon Zagala, Army 2ID commander, unang nagresponde ang isang cadre ng Philippine Army at dalawang kasapi ng CAFGU, sa sumadsad na lantsa sa dalampasigan na nag-umpisa ng kaguluhan ng mga tao.

Ayon kay MGen. Zagala, namataan pa ng kanyang mga tauhan ang papatakas na dalawang tao na tila mga Chinese national, na mabilis na tumakbo nang mamataan ang isang naka-unipormeng sundalo.

Inuna namang protektahan ng sundalo at CAFGU ang lulan ng speed boat na hinihinalang shabu na posibleng nagkakahalaga ng P6.8 bilyon.

Ayon kay Brigadier General Melencio Ragudo, kumander ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army, nakalagay ang hinihinalang ilegal na droga sa 43 sako na may kabuuang tinatayang timbang na humigit-kumulang 2.2 tonelada.

Sinabi ni Ragudo, ang speedboat, na sakay ang dalawa katao na may banyagang anyo, ay sumadsad bandang alas-2 ng hapon noong Martes matapos mabutas ang hull nito nang tumama sa mga bato.

“May sumadsad na speedboat, magandang klase. Kung titingnan mo nga siya, parang maliit na yate. May tao, dalawa. May tinamaan siyang medyo matigas-tigas, nabutas ‘yung speedboat niya. Tumabi siya doon banda sa Barangay Harrison,” ani Ragudo.

Iniulat na nilapitan ng mga residente ang dalawang indibidwal upang mag-alok ng tulong, ngunit tumanggi ang mga suspek.

“Nung nilapitan sila ng mga tao, ayaw nilang tumanggap ng tulong. So ‘yung mga tao nagduda kasi hindi sila naiintindihan, hindi marunong mag-Tagalog,” dagdag pa ni Ragudo.

Agad nakipag-ugnayan ang mga residente sa kalapit na Army patrol base, ngunit nang dumating ang mga sundalo, tumakas ang dalawang indibidwal patungo sa kagubatan.

“Nung nakita nung dalawa na may papunta nang naka-uniporme, tumakbo na ‘yung dalawa. So siyempre ‘yung sundalo nagulat din kasi papunta pa lang sila sa boat, sinilip nila, may mga sako-sako, so nagpatulong sila na ibaba kasi tumataob na ‘yung speedboat,” paliwanag niya.

Natuklasan na ang mga sako ay naglalaman ng puting kristal na substansiya na pinaniniwalaang methamphetamine hydrochloride o shabu.

Batay sa karaniwang pagtataya, sinabi ni Ragudo na maaaring umabot sa P6.8 milyon ang halaga ng bawat kilo ng shabu, kaya’t ang kabuuang halaga ng nakumpiska ay tinatayang nasa bilyon-bilyong piso.

Inihayag ni Gen. Zagala, agad na silang nakipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) para i-turn over ang sako-sakong hinihinalang shabu para sa kaukulang imbestigasyon at chemical analysis.

May mga marka ring nakita sa ilang pakete ngunit hindi pa matukoy ang pinagmulan ng droga, kung galing ng Vietnam o China.

“Nakita natin na ‘yung supot parang ginamit lang para hindi mabasa, kaya hindi alam kung ano talaga. Hindi natin alam kung Vietnamese o Chinese. Basta ang sigurado tayo, hindi Pilipino,” ani Ragudo.

Nakunan ng larawan ng mga residente ang dalawang suspek habang nakaupo sa mga bato sa baybayin bago sila tumakas.

Naglunsad ng pursuit operations ang tropa ng 76th Infantry Battalion sa kabundukan ng Paluan upang matunton ang mga suspek.

“Nag-launch kami ng manhunt. Even sa mga sibilyan, talagang nagpatulong na tayo kasi isolated ‘yung lugar na ‘yan. Saka ‘yung means of communication nung dalawang subject na ‘yun ay naiwan sa barko. So malamang nandito pa rin sila sa gubat ng Paluan,” ani Ragudo.

(JESSE RUIZ)

76

Related posts

Leave a Comment