PATAY ang isang saleslady matapos pagsasaksakin ng isang holdaper nang pumalag ang biktima sa Malabon City noong Linggo ng hapon.
Hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Maribeth Camilo-Goco, 47, ng #282 Gen. Luna St., Brgy. Baritan.
Nakapiit naman habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si Leo Ifsor, 29, ng #0635 Magat Salamat St., Brgy. Daang Hari, Navotas City.
Sa report nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Jose Romeo Germinall kay Malabon police chief, Col. Joel Villanueva, dakong alas-1:00 ng hapon nang pumasok ang suspek sa Meliza’s Lingerie and Accessories Boutique sa Unit 2 #352 Gen. Luna St., Brgy. Baritan kung saan nagtatrabaho ang biktima bilang saleslady.
Kaagad nagdeklara ng holdap ang suspek na armado ng patalim ngunit pumalag ang biktima naging dahilan upang undayan ito ng mga saksak at pagkaraan ay mabilis na tumakas ang holdaper.
Gayunman, kaagad namang naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Sub-Station 7 na sina P/SSgt. Anecito Liamado Jr., P/Cpl. Zaldy Fabul at P/Cpl. Ryan Ulat na nagpapatrolya sa nasabing lugur.
Narekober sa suspek ang isang kitchen knife na ginamit sa pananaksak sa biktima at ang tinangay na P200.
Isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan ngunit hindi umabot nang buhay. (FRANCIS SORIANO)
383
