MISTULANG nabuhayan ng loob ang mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa positibong posisyon ng grupo ng mga negosyante sa bansa sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kina Deputy Speaker Paolo Ortega at House committee on good government and public accountability chairman Rep. Joel Chua, malaking bagay ang panawagan ng Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Integrity Initiative, at Justice Reform Initiative sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang desisyon nitong pagbasura sa impeachment case laban kay Duterte.
“This is not just a legal debate. It is a test of our commitment to truth, fairness and constitutional checks. When leading business groups warn that impunity is being institutionalized, the Court must listen. Transparency is non-negotiable, and accountability cannot be optional,” ani Ortega.
Sa pinagsamang pahayag, hinimok ng mga business group ang Korte Suprema na muling gampanan ang tungkulin nitong ipagtanggol ang Konstitusyon. Binigyang-diin nila na ang naging desisyon ay maaaring makasama sa rule of law, makabawas sa tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan, at makapagpahina ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Magugunita na idineklara ng SC na unconstitutional ang impeachment laban kay Duterte noong Hulyo 25, at nagdagdag pa ang mga ito ng mga rekisitos na lalong magpapahirap umano sa pagpapanagot sa mga opisyales ng gobyerno na umabuso sa kapangyarihan.
“What the Court has done is create a shield for high-ranking officials to avoid scrutiny. That sets a dangerous precedent and weakens the very foundation of democratic accountability,” paliwanag pa ni Ortega.
Ganito rin ang pahayag ni Chua, isa sa 11 prosecutor ng Kamara kaya ikinatuwa nito ang pagsasalita ng nasabing grupo upang hindi tuluyang mawala ang tiwala ng mga dayuhang negosyante na nagbabalak mamuhunan sa bansa.
Sa ngayon ay nakabinbin pa sa SC ang motion for reconsideration (MR) na inihain ng Kamara sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) at walang impormasyon kung kailan ito maglalabas ng final na desisyon.
(BERNARD TAGUINOD)
230
