NAGHAIN kamakailan ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang RealSteel Corp. laban kay San Simon, Pampanga Mayor Abundio “Jun” Punsalan Jr., kaugnay ng umano’y pangingikil nito gamit ang tax-incentive ordinance.
Isinampa ng RealSteel Corporation ang complaint-affidavit sa pamamagitan ng mga kinatawan nito na sina Irwin H. Chua at Melodie E. Arellano noong August 19, 2025.
Inakusahan nila si Punsalan Jr., ng acts constituting grave misconduct, serious dishonesty, and conduct prejudicial to the best interest of the service under the 2017 Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS).
Ayon sa ulat, nag-ugat ang reklamo matapos hingan ng P80 milyon ng alkalde ang nasabing kumpanya kapalit ng hindi pag-revoke sa Municipal Ordinance No. 24-0025, na nagkakaloob ng tax incentives sa RealSteel Corp. Iginiit ng kumpanya na ang aksyon ng alkalde ay may halong pananakot at pagbabanta na babawiin ang insentibo kapag hindi umano ibinigay ang kanyang hiling.
Nakasaad sa reklamo na noong Agosto 5, taong ito, bandang alas-5 ng hapon nang isagawa ng mga operatiba ng Intelligence Service of the National Bureau of Investigation (NBI) ang entrapment operation sa Café Mesa, R.C. Santos, Clark Freeport, Mabalacat City, Pampanga, kaugnay sa imbestigasyon nito sa reklamong Robbery Extortion under Article 293 of the Revised Penal Code, in connection with Sections 3(b), 3(c), and 3(e) of Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Hiniling ng RealSteel Corp. na ipataw ng Ombudsman ang karampatang administrative sanctions laban sa alkalde matapos ang kanilang ebalwasyon sa reklamo.
(DANNY QUERUBIN)
