IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Philippine National Police na alamin ang motibo sa likod ng pagpatay sa isang ginang at pitong buwan na sanggol nito na ilang ulit na pinagbabaril habang naghahapunan sa kanilang bahay sa Barangay San Gregorio, San Pablo City sa Laguna.
Inutos sa Laguna PNP na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at kilalanin ang suspek na walang awang bumaril sa sanggol ng tatlong ulit habang anim na tama naman ng punglo ang kumitil sa ina nito.
Lumitaw sa imbestigasyon, bandang alas-8:00 ng gabi, karga ni Rhea Lunar, 30-anyos, ang kanyang seven-month-old baby girl nang biglang dumating ang hindi pa nakikilalang lalaki at walang habas silang pinaputukan nang paulit ulit sa harap ng hapag-kainan.
Sugatan din ang 58-anyos na ina ng namatay na ginang nang mahagip ng lumilipad na bahagi ng punglo.
Nabatid na bagong lipat lamang sa lugar ang mga biktima at nagnenegosyo ng paresan, may isang linggo pa lamang.
Naniniwala si San Pablo City Police chief, Police Lt. Col. Redante Tiraña, sadyang target ng suspek ang mag-ina at hindi dinamay ang lola.
“Ang target talaga dito ay ‘yung mag-ina kasi ‘yung lola ang tumama ay fragment na lang ng bala,” ani Tiraña. Planado umano ang krimen dahil ilang ulit na inikutan ng suspek ang bahay habang isang kasamahan naman nito ang nagsilbing lookout at driver ng getaway motorcycle.
(JESSE RUIZ)
114
