SANGGOL SINAKAL, SINILID SA MALETA AT PINAANOD SA ILOG SA QC

INIIMBESTIGAHAN ng Quezon City Police District kung sadyang pinatay sa sakal ng sariling ina ang bagong silang na sanggol saka isinilid sa maleta at ipinaanod sa ilog sa Quezon City noong Sabado ng umaga.

Nakakabit pa ang umbilical cord ng 1 day old na sanggol na babae, na inilarawang 53 inches ang haba at may bigat na 1.250 kilogram.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:30 ng umaga (September 10) nang madiskubre ang patay na sanggol sa Tullahan River malapit sa No. 95 California Riverside, California Dream Homes, Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PCpl Alexiss Mace L Jurado ng CIDU, nagpapatuka umano ng mga manok ang isang Josephine Baluyot sa poultry na nasa likuran ng kanilang bahay nang mapansin ang maleta  na lumulutang sa gitna ng ilog.

Dahil sa kuryosidad ay pilit kinuha ni Baluyot ang maleta at nang mabuksan ay bumungad sa kanya ang patay na sanggol.

Mabilis na inireport ni Baluyot sa mga opisyal ng Barangay San Bartolome ang insidente.

Sa pagsisiyasat ng SOCO Team ng QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni PCaptain Eric Angay Angay, may nakapulupot umanong tela sa leeg ng sanggol nang ito ay matagpuan. (LILY REYES)

299

Related posts

Leave a Comment