HINDI 18 milyon kundi mahigit 12.5 milyong pamilya lamang ang mabibiyayaan sa second tranche ng Social Amelioration (SAP).
Ito ang lumabas sa ika-14 report ng Palasyo ng Malacañang sa Kongreso na ayon sa Makabayan bloc ay paglabag sa Bayanihan to Heal as One Law dahil nakasaad umano sa nasabing batas na dalawang beses bibigyan ng pinansyal na ayuda ang 18 milyong pamilya na apektado sa COVID-19 pandemic.
Kinastigo rin ng nasabing grupo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mabagal pa rin umanong pamamahagi ng second tranche ng SAP dahil umaabot pa lamang sa 1,340,336 pamilya ang nahatiran ng SAP 2 mula sa target na 12, 530,707 pamilya.
Ayon sa nasabing grupo, kabilang sa 12, 530,707 pamilya na target beneficiaries ng SAP 2, ang 1,387,130 4Ps members; 7,286,170 Non-4Ps; 3,856,707 na tinatawag na waitlisted.
Malayong-malayo ang bilang na ito sa 18 milyon na nakasaad sa nasabing batas na dalawang beses bibigyan ng tulong pinansyal kaya naglagay ang Kongreso ng P200 bilyon pondo para rito.
“This is contrary to the mandate of the Bayanihan to Heal as One Act, which states that 18 Million families are to benefit from two tranches of aid,” ayon sa Makabayan bloc .
Sinita rin ng mga militanteng solon ang DSWD dahil mayroon pa umanong 295,682 sa 18 milyong pamilya ang hindi nila nabigyan ng tulong pinansyal sa first tranche ng SAP. (BERNARD TAGUINOD)
