TARGET ni KA REX CAYANONG
PATULOY na pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sarangani ang kanilang pangako sa pagkakaroon ng accessible at inklusibong serbisyong pangkalusugan para sa lahat, partikular sa Persons with Disabilities (PWDs).
Ito’y sa pamamagitan ng pamamahagi ng prosthetic legs upang maibalik ang kanilang mobility at mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay.
Noong Marso 9, pinangunahan ni Gov. Rogelio “Ruel” Pacquiao, ang seremonya ng turnover ng 21 prosthetic legs para sa mga benepisyaryo mula sa pitong munisipalidad ng Sarangani. Kabilang dito ang 19 na below-knee prosthetics at 2 na above-knee prosthetics, na nagkakahalaga ng P785,000, pondo mula sa Specialized Health Services Program ng Provincial Health Office, katuwang ang Provincial Persons with Disabilities Affairs Office.
Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lalawigan na suportahan ang mga sektor na nangangailangan at tiyakin na ang mga PWD ay mabibigyan ng pagkakataon na mamuhay nang mas independent at aktibong makilahok sa kanilang komunidad.
Isa sa mga nakatanggap ng prosthetic leg ay si Honney Mae Aranas Avergonzado, 23, mula sa Alabel, na ipinanganak na may impaired lower left extremity. Ipinahayag niya ang taos-pusong pasasalamat sa pamahalaan ng lalawigan.
“I feel so blessed at grateful na nabigyan ako ng artificial leg. Salamat kay Governor dahil sa pamamagitan niya, nabigyan kami ng pag-asa at pagkakataon na makalakad,” aniya.
Kasama rin sa mga benepisyaryo sina Rebecca Paghubasan, 59, at Ronald Mabatid, 69, parehong mula sa Alabel, na na-amputate ang kanilang kanang paa dahil sa diabetes, at si Apple Esic, 25, mula sa Glan, na ipinanganak na may kapansanan.
Bago ang pamamahagi, dumaan ang mga benepisyaryo sa proseso ng assessment, casting, at fitting upang matiyak na ang prosthetic legs ay angkop at komportable sa kanilang kondisyon.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mobility aids, layunin ng pamahalaan ng Sarangani na bigyan ng kakayahan ang mga benepisyaryo na makabalik sa kanilang produktibong pang-araw-araw na gawain, maghanapbuhay, at higit pang makibahagi sa lipunan.
Patuloy ang lalawigan sa pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng kapakanan ng PWDs at tinitiyak na walang sektor ang naiiwan sa kanilang adhikain para sa inklusibong paglago at kaunlaran.
86 