SARAP NG BUHAY

“SARAP ng buhay” ang isa lamang sa mga nasasabi ng mga OFW habang sila ay nananatili sa loob ng mga hotel na pansamantalang ginagamit na quarantine facilities ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Isa nga sa mga komento sa aking napanood na video ng isang OFW ay nagsasabi na “ang hirap pala ng buhay mayaman. Kain at tulog lang sa loob ng airconditioned room”.

Simula kasi ng ipatupad ang mandatory quarantine para sa mga dumarating na mga OFW ay nakipagkontrata na agad ang OWWA sa mga hotel sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya upang pansamantalang magamit bilang quarantine facilities.

Libre ang pagkain, transportasyon at ang lahat ng gastos sa kanilang pansamantalang panunuluyan na umaabot ng 3 hangang 5 araw at kung minsan ay mas matagal kung nagkakaroon ng problema sa resulta ng kanilang Polymerase chain reaction (PCR) test.

Isa nga sa OFW na nakauwi nung nakaraang lingo ang nag-post pa sa kanyang Facebook account na “ Sulit na sulit ang aking binayaran $25 na OWWA membership. Katumbas lang ito ng isang araw na bayad sa hotel kung tutuusin”.

Bagaman may ilang reklamo ukol sa pagkain, kahapon ay aking imunungkahi kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na paalalahanan o tuluyan ng palitan ang mga kontratista o caterer ng mga pagkain na ibinibigay sa mga OFW.

Simple lang naman kasi ang panuntunan ng OWWA sa panahong ito ng pandemya. Ibig lamang na maipadama sa mga OFW na naghihirap habang sila ay nasa ibang bansa, na sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas ay maramdaman nila na sila ay VIP at maranasan naman nila kahit panandalian lamang ang masarap na buhay .

Kung ang pagbabatayan ay ang datos ng Department of Foreign Affairs nuong Hulyo 17, 2020, ay umabot na sa 90,497 ang bilang ng mga OFW na umuwi sa Pilipinas. 40,540 sa mga ito ay mga seafarers at 49,957 naman ang mula sa land-based sector na dumaan sa quarantine facilities ng OWWA.

Base sa report nuong Hulyo 10, 2020 ay umabot na sa 1.4-B piso ang pondong nagamit para dito. 1.1 bilyon piso ang nagastos ng OWWA mula sa pondo nito para sa pagbabayad ng mga hotel, pagkain, transportasyon at pati bayad sa eroplano para sa mga OFW na inihatid sa kanilang mga probinsiya. Samantala 313 milyon piso naman ang nagmula sa General Appropriation funds.

Kabilang na rin sa pinag kagastusan sa nasabing halaga ang mga Financial Assistance na ipinagkakaloob sa mga umuuwing OFW.

Masinop na pinapangalagaan ng OWWA Board of Trustees ang pondo nito ayon sa mandato nitong pangalagaan ang pondo na nagmula sa mga miyembro ng OWWA.

Matapos na maipasa ang resolution para sa karagdagang scholarship at ayuda para sa mga OFW, sa Agosto naman ay gugulong na ang pagbibigay ng ayuda para sa pagsisimula ng hanap-buhay o

reintegration fund para sa mga aktibong miyembro ng OWWA.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
519

Related posts

Leave a Comment