INIHAYAG ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan ng paggamit ng satellite technology bilang alternatibong solusyon sa pagkakaroon ng mas maaasahang internet connection lalo na sa malalayong lugar sa bansa na walang imprastraktura ng telecommunications companies.
Sa pagsusulong ng Senate Bill No. 2250 o ang panukalang “Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2021,” ipinaliwanag ni Gatchalian na maaaring magamit ang satellite upang makakuha ng internet signal mula sa Internet Service Provider (ISP) na magkokonekta sa mga gumagamit ng internet.
Sa kanyang paglalarawan, ang ISP ang magpapadala ng fiber internet signal sa satellite na nasa kalawakan. Gamit ang satellite dish, ito ang pagkukunan ng signal ng modem upang magkaroon ng koneksyon sa internet.
Ayon kay Gatchalian, marami pa rin ang hindi gumagamit ng digital technology sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang virtual platforms na naging paraan para mabawasan ang pisikal na interaksyon magmula noong magkaroon ng pandemya dulot ng COVID-19.
Nasa 45% ng mga Filipino at 74% ng pampublikong paaralan sa buong bansa ang walang internet connectivity. Mas malala ang sitwasyon sa Visayas at Mindanao dahil wala pa sa 40% ang naitalang gumagamit sa kanila ng internet. (ESTONG REYES)
