SAWA NA RAW SA KORAPSYON SI DUTERTE

NAGPAKAWALA na naman si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang ‘paninindigan’ laban sa korapsyon.

Sa pagkakataong ito, magbibitiw na siya dahil hindi matapus-tapos ang korapsyon sa pamahalaan.

Noong 2016, ang babala niya sa mga opisyal ng pamahalaan ay tatanggalin sila kahit isang “whiff” ng korapsyon.

“Saglit na amoy” o ­”alingasngas” o “nabalitaan” ang mga maaaring salin sa Filipino ng paggamit ni Duterte ng salitang whiff.

Ano man ang tama at eksaktong kahulugan sa Filipino ng salitang whiff ay wala nang saysay dahil hindi naman ito ginawa nito Duterte.

Pagkatapos nito ay sunud-sunod ang nagputukang balita hinggil sa talamak na korapsyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Customs (BOC), Bureau of Corrections (BUCor) at Bureau of Immigration (BI).

Ngunit hindi agad tinanggal ni Duterte.

Nagtagal pa sa puwesto ang mga opisyal na itinuturong direkta at ‘di direktang sangkot sa korapsyon.

Ang totoo, umabot sa antas ng “pandarambong” ang krimeng nagawa dahil P50 milyon hanggang mahigit P1 bilyon ang naibabalita sa media na nakumlimbat na pera ng pamahalaan.

Hindi rin kumilos si Duterte laban sa mga opisyal ng maraming ahensiya ng pamahalaan na nadiskubre at napatunayan ng Commission on Audit (COA) na mayroong iregularidad o kuwestyonable o mayroong whiff ng korapsyon ang paggamit sa kani-kanilang pondo.

Ano ang ibig sabihin nito?

Pinaligaya at pinalundag lang ni Pangulong Duterte ang mamamayang Filipino, lalo na ang mga kabilang sa tinatawag na “DDS”?

Sa ikatlong pagkakataon, pumutok ang korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Naglabasan ang iba’t ibang klaseng diskarte ng katiwalian, korapsyon at pandarambong.

Mayroong P15 bilyon, P150 ­bilyon at iba pang halaga ng perang nakulimbat sa PhilHealth.

Ngunit, hindi naman agad tinanggal ni Duterte si PhilHealth vice – chairman, president at chief executive officer Ricardo Morales.

Naglabasan muna ang mga ebidensiya laban kay Morales bago “hiniling” ng pangulo na magbitiw si Morales dahil mayroon itong malubhang karamdaman.

Si Health Secretary Francisco Duque na chairman ng PhilHealth Board of Directors ay nanatili sa Department of Health (DOH), samakatuwid nanatiling chairman ng PhilHealth.

Kahit mayroon nang inisyal na resulta ang imbestigasyon ng Task Force Health na pinamunuan ni Justice Menardo Guevarra ay hindi pa rin natapos ang balita hinggil sa korapsyon sa PhilHealth.

Kamakailan, nagpakawala na naman si Duterte ng kanyang tindig laban sa korapsyon.

Nakasasawa na raw ang korapsyon sa pamahalaan, kaya inisip niyang magbitiw na lang sa puwesto.

Syempre hindi totoo ang pahayag ni Duterte dahil sabi ng tagapagsalita nito na si Secretary Harry Roque Jr., hindi magbibitiw ang pangulo dahil malapit na rin namang matapos ang termino nito.

Hindi sana magiging masahol ang korapsyon sa pamahalaan kung naging tapat, seryoso at agresibo si Duterte laban sa ­korapsyon makaraang iwasiwas niya ang mga salitang whiff ng korapsyon.

Hindi sana mauulol ang mga korap at mandarambong na opisyal sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pagnanakaw ng pera ng pamahalaan.

Kung kinasuhan at tinanggal lang sana agad ni Duterte ang mga korap ay siguradong magkakaroon ang mga ito ng takot sa kanya.

Mainam na kahit man lang kay Duterte natakot ang mga korap at mandarambong sa pamahalaan.

Ito’y dahil wala naman silang takot sa Panginoong Diyos na gumawa ng gumawa ng krimen laban sa 110 milyong Filipino.

103

Related posts

Leave a Comment