KUMPIYANSA ang ilang alkalde sa Metro Manila na maisasailalim sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) mula sa kasalukuyang general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila sa darating na Nobyembre.
Ito ay kung patuloy na bababa ang coronavirus disease 2019 o COVID-19 cases at ang mga tao ay sumusunod sa minimum health protocols.
Ayon kay Parañaque City Mayor at Metro Manila Council (MMC) chairman Edwin L. Olivarez, pag-aaralan na rin ng Metro Manila mayors ang pagpapaluwag sa curfew hours.
Ang MGCQ ang pinakamaluwag sa apat na naipatupad na quarantine classification system na ang ibig sabihin ay mas maraming negosyo pa ang mabubuksan at papayagang mag-operate ngunit patuloy pa ring paiiralin ang mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing.
“Palagay ko po hanggang katapusan ng October na ito, matapos natin ang GCQ at hopefully with God’s graces, ito pong dadating na November baka mag-MGCQ na po tayo sa pahintulot ng ating mahal na Presidente,” ani Olivarez.
“Sa susunod po na meeting po namin, iyan po ay isa sa main agenda po natin para mabuksan na po natin ang economy,” dagdag pa ni Olivarez.
Ayon naman sa University of the Philippines OCTA research team, nakikita na rin ang pagbaba ng bilang ng hawahan, bilang ng kaso, positivity rate at hospital resource utilization sa National Capital Region (NCR).
Ang mga nabanggit na hakbang ay kabilang sa pinagbatayan upang mapanatili ang kasalukuyang status na GCQ at ang malaking pagbabago sa testing, tracing at program ng isolation upang
mapigil ang muling pagtaas ng bilang ng kaso ng virus lalo pa’t paparating na ang Kapaskuhan.
Sa huling ulat ng Department of Health, umakyat na sa 311,694 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay matapos makapagtala ng karagdagang 2,426 na bagong kaso nitong Miyerkoles.
Sa nasabing bilang, 52,702 ang active cases. 585 naman ang bagong gumaling kaya ang total recoveries ay 253,488 ang kabuuan.
Habang 58 ang bagong binawian ng buhay kaya ang total fatalities ay 5,504. (DAVE MEDINA)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)