IBINASURA ng Korte Suprema (SC) ang lahat ng petisyong kumukuwestiyon sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, matapos ideklarang moot and academic ang mga isyung inihain.
Sa desisyong inilabas ng SC en banc, sinabi nitong wala nang dapat resolbahin dahil naaprubahan at naipadala na ng House of Representatives sa Senado ang Articles of Impeachment.
Kinuwestiyon ng mga petitioner ang naging pagdinig ng Kamara at ng House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Ayon sa Korte Suprema, natapos na ang tungkulin ng Kamara sa proseso ng impeachment nang maipasa nito sa Senado ang Articles of Impeachment, kaya naisakatuparan na ang mga hakbang na nais pigilan ng mga petitioner.
Binigyang-diin din ng SC na nasa Senado na ang impeachment proceedings, kung saan nakaupo na ito bilang impeachment court at nagsimula na ang paglilitis.
Dahil dito, sinabi ng Korte Suprema na wala nang magiging praktikal na epekto ang anumang desisyon nito hinggil sa naging proseso sa Kamara.
Kabilang sa mga ibinasurang petisyon ang inihain ni Atty. Israelito P. Torreon at iba pa, gayundin ang hiwalay na petisyon ni Vice President Duterte.
Iginiit ng mga petitioner na lumampas umano sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Konstitusyon ang House Committee on Justice sa pangangalap ng ebidensya at pagpapatawag ng mga testigo, gayundin sa pagdedeklarang sufficient in form, substance, at grounds ang mga impeachment complaint.
Rep. Chua: Wala nang hadlang sa impeachment trial
Kasunod ng desisyon ng Korte Suprema, sinabi ni House Prosecutor Joel Chua na wala nang hadlang sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Duterte sa Senate Impeachment Court.
Sa press conference sa Senado, sinabi ni Chua na kinumpirma ng SC na moot and academic na ang mga isyung inihain sa mga petisyon dahil natapos na ang proseso sa House of Representatives at naipasa na ang Articles of Impeachment sa Senado.
Ayon kay Chua, hindi na maaaring gamitin ang mga petisyon upang pigilan ang impeachment proceedings.
Aniya, nagbibigay ito ng katiyakan na magtutuloy-tuloy na ang paglilitis at wala nang magiging isyu sa hurisdiksyon ng Senado bilang impeachment court.
(JULIET PACOT/TINA MENDOZA)
94 