PINAGTIBAY ng Supreme Court (SC) En Banc ang nauna nitong deklarasyon na labag sa Saligang Batas ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Kahapon ay tuluyan nang ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang motion for reconsideration ng Kamara na humihiling na baligtarin ang desisyon noong Hulyo 25, 2025 na nagdedeklarang unconstitutional ang impeachment laban sa Bise Presidente.
Ayon sa SC, ang ikaapat na reklamong impeachment na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay malinaw na bawal sa ilalim ng Article XI, Section 3(5) ng Konstitusyon, na nagtatakda ng one-year ban sa paghahain ng impeachment complaint laban sa parehong opisyal.
Nilinaw ng Hukuman na ang unang tatlong reklamo ay hindi naisama sa Order of Business ng Kamara sa loob ng itinakdang sampung session days, kaya’t hindi maaaring ituring na balido ang ikaapat na reklamo.
Hindi nakibahagi sa pagdedesisyon si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, habang naka-leave naman si Associate Justice Maria Filomena Singh.
Bagong Impeachment Kasado
Kaugnay nito, inihahanda na ng Makabayan bloc ang panibagong impeachment case laban kay VP Sara.
Ayon sa mga mambabatas ng Makabayan bloc, determinado silang muling ihain ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente kapag pinahintulutan na ng Konstitusyon.
“The Makabayan bloc is now prepared to refile the impeachment complaint against Vice President Sara Duterte because it is necessary and in the interest of the Filipino people,” pahayag ng grupo.
Hindi rin ikinagulat ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang pinal na desisyon ng SC. Aniya, malinaw na puwede nang magsampa muli ng reklamo laban kay Duterte pagsapit ng Pebrero 6, matapos ang one-year ban, kaya dapat nang maghanda ang Kongreso.
(JULIET PACOT/BERNARD TAGUINOD)
26
