ISINASAILALIM sa masusing imbestigasyon ng Manila Police District- Homicide Section ang hinggil sa natagpuang bangkay ng isang 49-anyos na seaman sa hagdanan sa loob ng barko na nakaatraka sa Manila North Harbor sa Tondo, Manila.
Isinugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Diego Cadogdog, residente ng San Andres Proper, Batangas City subalit idineklara itong dead on arrival.
Base sa ulat ni Det. Roderick Magpale, kay PEMS John Charles Duran, OIC ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-5:30 ng madaling araw nang makatangap ng report ang pulisya hinggil sa naturang insidente, matapos ikordon ang loob ng barko ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Gene Licud, commander ng MPD- Station 1.
Ayon kay Det. Magpale, isang kasamahang seaman ng biktima ang unang nakadiskubre sa bangkay habang ang kanilang sinasakyang barko na MV MC Zion ay nakaatraka sa Manila North Harbor sa Tondo.
Wala namang nakitang ano mang sugat sa katawan ng biktima.
Gayunman, ang bangkay ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa awtopsiya upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito. (RENE CRISOSTOMO)
