SEGURIDAD SA 2026 BAR EXAM TINIYAK NG PNP

ALINSUNOD sa kautusan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at DILG Sec. Jonvic Remulla, tiniyak ng Philippine National Police ang kaligtasan at seguridad ng mga examinee sa 2026 Bar Examination.

Inatasan ni PNP chief, PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang lahat ng yunit ng pulisya na ipatupad ang komprehensibong seguridad sa nasabing pagsusulit.

Ipinag-utos din ng hepe ng Pambansang Pulisya na magtalaga ng sapat na mga tauhan at resources upang matiyak ang kapayapaan sa buong tatlong araw ng pagsusulit.

“This is an important event for the legal community that requires police presence and attention. And we in the PNP will make sure that a sufficient number of our personnel will be on the ground for peace and order,” pahayag ni Nartatez.

Gaganapin ang 2026 Bar Examinations sa loob ng tatlong araw—Setyembre 6, 9, at 13.

May kabuuang 15 testing center sa buong bansa: pito sa Metro Manila, tatlo sa Luzon, tatlo sa Visayas, at dalawa sa Mindanao.

Inaasahan naman na maaapektuhan ang daloy ng trapiko sa labas at loob ng 15 paaralan habang isinasagawa ang pagsusulit.

Sinabi ni Nartatez, kabilang sa mga hakbang pangseguridad ang pagtiyak sa kaligtasan, hindi lamang ng mga kukuha ng pagsusulit kundi maging ng kanilang mga magulang at law students na lalahok sa “bar ops”.

Sa ngayon, wala pang namo-monitor ang pulisya na anomang banta na may kaugnayan sa Bar Examinations.

(TOTO NABAJA)

52

Related posts

Leave a Comment