NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa sama-samang pagkilos ng gobyerno na makalos ang pagpapakalat ng fake news and misinformation, at binibigyang-diin na ang tumpak, napapanahon, at beripikadong impormasyon ay napakahalaga upang maiwasan ang takot at pagkalito sa panahon ng krisis.
Nitong Huwebes, umapela si SILG Jonvic Remulla para sa isang nagkakaisang pagkilos ng pamahalaan upang pigilan ang pagpapakalat ng fake news at maling impormasyon.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Kapihan sa Manila sa Prince Hotel sa Ermita, Manila, sinabi ni DILG Undersecretary for Public Affairs and Communication Ronaldo C. Puno, ang pakikipaglaban sa fake news at maling impormasyon ay sama-samang responsibilidad ng mga ahensya ng gobyerno, media, at publiko, lalo na sa mga sitwasyong may mataas na tensyon tulad ng kamakailang nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City.
“Kailangan talaga natin ng pinag-isang pagkilos upang wakasan ang fake news,” ani Puno, habang binibigyang-diin ang pangangailangan para sa DILG at iba pang ahensya ng pamahalaan na magtulungan upang matiyak na tanging beripikado at totoong impormasyon lamang ang nakararating sa publiko.
Sinabi rin niya na ang insidente ng pamamaril sa paaralan ay nagpakita ng pangangailangang patuloy na pagbutihin ang mekanismo ng pamahalaan sa komunikasyon at pagpapakalat ng impormasyon sa panahon ng krisis.
“Hindi tayo sanay sa mga pangyayaring ganyan (mga insidente ng pamamaril sa paaralan). Ngunit hiling nito na pagbutihin ang mga proseso at gawing mas maayos ang mga bagay-bagay,” sabi pa ni Puno.
Maalalang ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, mabilis na kumalat sa social media ang mga video na umano’y nagpapakita sa mga nasugatang security guard ng paaralan, na nagdulot ng pagkalito at nagpapaypay sa mga hindi beripikadong ulat na patay na ang dalawang guwardiya.
Hinimok ni Puno ang publiko na umasa lamang sa opisyal at beripikadong impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang awtoridad ng pamahalaan, habang ipinaliwanag nito na maging ang Philippine National Police (PNP) ay nag-iingat sa paglalabas ng impormasyon habang sinusuri pa ang mga ulat.
“Dahil sa tensyonadong sitwasyon, at dahil sa bilis ng mga pangyayari, nag-iingat din ang pulis. Nais nilang ibahagi ang impormasyon sa lalong madaling panahon, ngunit nais nilang ibahagi ang beripikadong impormasyon,” aniya.
Binanggit din ni Puno ang mabilis na pagtugon ng DILG matapos ang insidente sa Zamboanga, kung saan naglunsad si Secretary Jonvic Remulla ng mga press conference upang magbigay sa media at sa publiko ng beripikadong impormasyon sa sandaling maging available ito.
“Lumalabas na matapos ang sitwasyon sa Zamboanga, agad siyang (SILG Jonvic Remulla) naglabas ng pahayag upang subukang magbigay sa atin ng hangga’t maaari ay maraming detalye,” ani Puno.
Muli ring ipinaalala ng DILG sa publiko na suriin muna ang impormasyon bago ito ibahagi, lalo na sa panahon ng mga emerhensya at iba pang mabilis na nagbabagong sitwasyon kung saan ang mga hindi beripikadong post ay mabilis na nakalilikha ng takot, pagkalito, at hindi kinakailangang pangamba.
Binigyang-diin ng kagawaran na ang responsableng pagbabahagi ng impormasyon, kasabay ng napapanahon at organisadong komunikasyon mula sa gobyerno, ay napakahalaga upang matiyak na katotohanan at hindi haka-haka ang natatanggap ng publiko, kapag pinakamahalaga ang tumpak na impormasyon.
(JESSE RUIZ)
40 