(NELSON S. BADILLA)
NAPAKAGANDA ng konsepto ng pagkakaisa, lalo pa’t ang layunin ay labanan at biguin ang popular, ngunit pangulong bigo sa halos ng lahat ng kanyang ipinangakong pagbabago noong 2016.
Kaso, hindi naipakita at hindi napatunayan ng 1SAMBAYAN ang hinahangad na pagkakaisa ng iba’t ibang politiko at mga organisasyong kontra sa administrasyong Duterte.
Palpak ang pagtitipong ipinatawag ng liderato ng 1SAMBAYAN (kinabibilangan nina retiradong Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, retiradong Ombudsman Conchita Carpio – Morales at dating Foreign Secretary Albert del Rosario) nitong Hunyo 12 dahil mistulang ‘nilangaw’ ang pulong at pagkikita ng kakarampot na bilang ng oposisyon, sa pamamagitan ng online.
Ang pagtitipon ay tungkol sa pag-anunsiyo ng mga pagpipiliang kandidato, o nominado, sa pagkapresidente at pagkabise presidente ng 1SAMBAYAN sa eleksyong 2022.
Ang 1SAMBAYAN ay itinatag ilang buwan na ang nakalipas ng mga politiko, personalidad at mga organisasyong kontra kay Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang Liberal Party (LP) at ang grupo ng mga rebeldeng sundalo na Magdalo.
Ang magpinsang Carpio na sina Antonio at Conchita at kaibigan nilang si Del Rosario ang mga pangunahing convenor ng 1SAMBAYAN.
Pamangkin ng magpinsan si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio dahil isang Carpio ang napangasawa ng alkalde.
Sa mga kandidato ng 1SAMBAYAN, tanging si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang muling nagsabing gusto niyang maging pambato ng oposisyon kung
hindi tatakbo si Bise Presidente Maria Leonor ‘Leni” Robredo.
Naniniwala si Trillanes sa kanyang sarili na ‘kailangan’ siya ng Pilipinas.
Hanggang nitong Sabado, hindi pa rin sigurado si Robredo na tumakbo sa halalan ng mga magiging pangulo ng bansa.
Pinag-iisipan niya kung pagiging gobernador ng Camarines Sur ang pipiliin niya bago maghain ng certificate of candidacy (COC) sa Oktubre, o tuluyang magpauto sa mga ‘bilib’ sa kanya, lalo na si dating Quezon City Rep. Jorge “Bolet” Banal.
Idiniin naman ni Senadora Mary Grace Poe na hindi siya lalahok sa eleksyon sa susunod na taon.
Nagpasalamat si Poe sa malaking tiwala sa kanya ng 1SAMBAYAN.
Tumakbo si Poe sa pagkapangulo noong halalang 2016, ngunit isa siya sa mga tinalo ni Duterte.
Nanindigan naman si Senador Nancy Binay na ayaw niyang sumali sa 1SAMBAYAN kahit anong posisyon pa.
Si Binay ay muling nahalal sa ikalawang termino sa Senado noong eleksyong 2019.
Batid ng publiko na masama ang loob ng pamilya Binay kay Trillanes dahil isa ito sa dalawang politikong sumira sa kredibilidad ni dating Bise Presidente Jejomar Binay.
Inakusahan ni Trillanes ang matandang Binay ng korapsyon at pandarambong.
Dahil dito, hindi naging pangulo ng Pilipinas si Binay.
Wala rin si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na tila kalaban na ng administrasyong Duterte makaraang saltikin si Mayor Sara Duterte dahil sa napabalitang hangad nitong palitan ang kanyang ama sa Malakanyang.
Ayaw ni Moreno sa 1SAMBAYAN.
Nagpahayag ng pagkakaisa si Rep. Eddie Villanueva ng CIBAC party-list, ngunit ‘tahimik na tahimik’ sa muling pagtakbo sa pagkapangulo ng bansa dahil dalawang beses na itong natalo sa nasabing posisyon.
Si Villanueva ay bahagi ng mayorya sa Kamara de Representantes na solido ang suporta kay Duterte.
Isinama rin ng 1SAMBAYAN si Batangas Rep. Vilma Santos-Recto.
Walang balak si Santos-Recto na sumali sa pampanguluhang halalan laban sa kampo ni Duterte.
Si Santos-Recto ay parte rin ng mayorya sa Kamara na masunurin kay Duterte.
Ang isa pang kandidato ay si Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno na natalo nang tumakbo sa pagkasenador noong eleksyong 2019.
Hindi rin dumalo si Senador Panfilo Lacson makaraang tanggihan nito ang naunang imbitasyon ni retiradong Senior Associate Justice Carpio.
Ipinahayag ng 1SAMBAYAN sa media na hindi pa tapos ang paghahanap ng oposisyon sa mga pagpipilian nilang kandidato sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ng bansa.
184
