Selos, pagnanakaw posibleng motibo 72-ANYOS JAPANESE, GURO PINATAY NG BF

SINISILIP ng mga awtoridad ang anggulong selos at pagnanakaw sa brutal na pagpatay sa isang 72-anyos na Japanese national at 39-anyos na guro na umano’y tinadtad ng saksak ng boyfriend ng huli sa Pasig City.

Ayon sa ulat ni P/Col. Roman Arugay, hepe ng pulisya, kinilala ang mga biktimang sina Yasunori Mori, 72, biyudo, Japanese national, at Anna Marie Dalusong y Salvador, 39, dalaga, public school teacher, at kapwa residente ng Brgy. Manggahan sa lungsod.

Agad namang naaresto sa follow-up operation ng mga awtoridad ang suspek na si Christian Llona y Balubal, nasa hustong gulang, umano’y boyfriend ng biktimang guro.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-8:30 ng gabi noong Marso 28 nang matuklasan ni Marie Louise Grace Salvador ang katawan ng mga biktimang duguan at tadtad ng mga saksak sa ikalawang palapag ng bahay sa Karangalan Village, na agad ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente.

Idineklara naman ni Dr. Kena Keziah Asejo ng Pasig City General Hospital (PCGH) na patay na ang dalawang biktima dakong 12:45 ng madaling araw noong Marso 29.

Ayon kay PNP Forensic Unit P/Capt. Noel Moskito, ikinamatay ng mga biktima ang sangkaterbang saksak sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Dagdag ng pulisya, ang biktimang guro na girlfriend ng suspek ay nakatira sa bahay ni Mori na dating asawa ng tiyahin nito.

Nauna rito, ayon sa mga awtoridad, noong Marso 26, dakong ala-1:00 ng hapon ay nagkaroon ng malakas na ingay mula sa 2nd floor ng bahay at nakita sa CCTV footage na tumakas ang suspek mula sa bahay ng mga biktima.

Bitbit umano ng suspek sa pagtakas ang isang black backpack at 32 inches na flat screen television patungo sa inuupahan nitong bahay na ‘di kalayuan sa bahay ng mga biktima.

Nahaharap ang suspek sa kasong double murder at pagnanakaw. (ENOCK ECHAGUE)

301

Related posts

Leave a Comment