Sen. Angara, Senate staff positibo rin COVID-19 CASES PUMALO NA SA 707

UMAKYAT na sa 707 ang huling bilang ng Department of Health (DOH) sa mga tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sa isang virtual presser, kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na hanggang 4:00 ng hapon ng Huwebes ay nakapagtala pa ang DOH ng karagdagang 71 bagong kaso ng sakit, mula sa dating 636 lamang, kaya’t umakyat na ito sa kabuuang 707.

Nadagdagan naman ng pito ang mga pumanaw kaya mula sa dating 38, umabot na ito sa 45. Nadagdagan naman ng dalawa ang bilang ng mga pasyente na gumaling sa sakit, na
mula sa 26 ay nasa kabuuang 28 na ngayon.

Kaugnay nito, tatlo na ang senador na positibo sa COVID-19 na ang pinakahuli ay si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara.

Nauna nang nagpositibo sina Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Sa kanyang pahayag, inamin ni Angara na positibo siya sa coronavirus 2019 (COVID- 19) matapos makasalamuha sa Senado ang isang positibo sa naturang sakit noong kasagsagan ng sesyon.

Aniya,  nagkaroon siya ng sintomas tulad ng kaunting lagnat, ubo, sakit ng ulo at nanghihinang katawan. D. ANIN, ESTONG REYES

120

Related posts

Leave a Comment